Bong Go sa DFA, DMW: Kaligtasan ng mga Pinoy sa giyera ng Israel-Iran, tiyakin
MANILA, Philippines — Kaugnay ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na gawin ang lahat ng kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino na maaaring maapektuhan ng giyera.
Binigyang-diin ni Go na libu-libo ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East kaya mahalaga ang koordinasyon ng gobyerno sa mga embahada ng Pilipinas.
“Patuloy ang bangayan sa pagitan ng Israel at Iran. Hindi natin hawak ang mga mangyayari, pero hawak natin ang responsibilidad na siguraduhing ligtas ang mga kababayan natin sa labas ng bansa,” anang senador kaya iginiit niya sa gobyerno na paigtingin ang monitoring efforts at paghahanda sa potensyal na contingencies.
Patuloy na nagpapalitan ng airstrike missile attacks ang dalawang bansa na nagpapataas ng pangambang lumawak pa ang digmaan sa rehiyon at posibleng maglagay sa mga migranteng Pilipino sa kapahamakan.
Bagama’t walang iniulat na Pilipinong namatay, iginiit ni Go na hindi dapat hintayin ang pinakamasamang senaryo sa nangyayaring giyera.
“Kailangang may malinaw na plano para sa agarang paglikas kung kinakailangan. Dapat ready ang mga embahada, pati na ang mga support system ng ating gobyerno,” ani Go.
Hinikayat din ni Go ang overseas Filipinos na manatiling mapagmatyag, makinig sa mga payo mula sa Philippine missions at panatilihin ang komunikasyon sa mga opisyal ng embahada kung sakaling kailanganin ang agarang tulong.
- Latest