May Isang Pangit (79)
MABILIS na lumipas ang isang taon. Maunlad ang negosyong pinamamahalaan nina Tibur at Alice. Lubos ang tiwala sa kanila ng bayaw na Austral- yanong si George. Matalino si Alice at masipag naman si Tibur. Tamang-tama ang kumbinasyon ng dalawa. Hindi malaman ni George ang gagawin sa kayamanang isinampa nang mabuting pamamahala ng mag-asawang Tibur at Alice.
Sa pag-unlad nina Tibur at Alice wala naman silang ibang naiisip kundi ang makatulong sa kapwa Pinoy na nasa kanilang lugar. At iyon naman ang gusto ng may-ari na si George. Subok na aniyang mga worker ang mga Pinoy. Bukod sa matitiyaga at masisipag ay madali pang makaintindi sapag- kat mahusay magsalita ng English. Mas maraming Pinoy sa kanyang kompanya ay gusto niya.
Naisip ni Tibur sina Mulong at Gina sa Saudi. Hindi pa niya nakukumusta ang plano ng mag-asawa sa planong pag-exit sa Saudi at ang aasikasuhin ay ang pag-migrate sa Australia. Huling pag-uusap nila ay wala pang katiyakan kung aalis na ngayong taon o mag-eextend. Wala pa raw kasing makakapalit sa kanilang iiwanang puwesto. Pero gustung-gusto na nilang mag-exit at ang pag-aaplay sa Australia ang kanilang aasikasuhin.
Hanggang sa makatanggap ng tawag si Tibur mula kay Mulong ng umagang iyon. Unang pagkakataon na tinawagan siya ng kaibigan. Kadalasan ay sa internet sila nagkakaroon ng komunikasyon nina Mulong at Gina.
“Masamang balita, Tibur.’’
“Bakit Mulong?’’
“Patay na si Abdullah. Naaksidente kaninang madaling araw.’’
Napabuntunghininga si Tibur. Patay na ang mabait niyang amo. Kawawa naman.
“Maski kami rito sa farm ay nagulat. Hindi namin inaasahan ang pagka-matay ni Abdullah.’’
“Nakakagulat talaga ang balita.’’
“Alam mo ang hinala kung bakit siya naaksidente sa sasakyan?’’
“Ano?”
“Yung half brother ang pinaghihinalaan na may kagagawan.’’
“Paanong ginawa at naaksidente si Abdullah?”
“May naglagay ng ahas sa pickup niya. Nagulat si Abdullah at naitodo ang patakbo sa sasakyan. Hindi niya nalalaman na bangin na pala yung tinutumbok niya…” (Itutuloy)
- Latest
- Trending