Hiyasmin (162)
“Pero wala naman po akong nahahalata kay Sir Dax na may gusto sa akin. Matagal-tagal na rin ako sa bahay na ito pero wala naman pong pahiwatig,’’ sabi ni Hiyasmin kay Nanay Julia. Pareho silang nakaupo sa kama.
“E paano torpe si Dax. Hindi yun makapagtapat.’’
“Hindi naman po ah. Lagi kaming nag-uusap at nagbibiruan.’’
“Oo nga pero pagdating sa pagdiga o pagligaw, mahiyain yun.’’
“Sure ka Nanay na may gusto sa akin si Sir Dax?’’
“Oo, Hiyasmin. Sure ako. Kasi nga nagsumbong siya sa akin tungkol sa pagtulog mo na naka-panty lang. Gusto niya pagsabihan kita. Gusto niya tulungan ko siya para hindi mo na ulitin ang pagtulog na naka-panty lang.’’
“Kung totoo po ang sinasabi mo Nanay, dapat madaliin niya ang panliligaw sa akin…”
Nabahala ang matanda.
“Bakit mayroon bang nanliligaw sa’yo sa trabaho mo?’’
“Wala naman po. Pero hindi ko masabi sa mga darating na araw.’’
“Hintayin mo ang pagtatapat ni Dax, Hiyasmin. Parang awa mo na. Gusto kita para kay Dax.’’
“E paano po kung mahina siya sa pagtatapat? Baka gusto po niya ay ako ang magtatapat.’’
“Huwag! Hindi maganda sa babae na siya ang magtatapat.’’
“Oo nga po. Paano po ang gagawin natin, Nanay.’’
“Ako ang bahala.’’
“May gagawin ka po?’’
“Oo. Pero gusto ko lang makatiyak Hiyasmin, ikaw ba ay may gusto rin kay Dax? Kung gagawa ako ng paraan gusto ko sana, may nararamdaman ka sa anak ko.’’
Hindi makapagsalita si Hiyasmin. Parang nahuli na siya ng matanda.
Tumango si Hiyasmin bilang pag-amin.
Niyakap ni Nanay si Hiyasmin.
“Huwag mo pong sasabihin sa kanya, Nanay.’’
Kinabukasan, nagulat si Hiyasmin nang simple siyang lapitan ni Dax.
“Anong pinag-usapan n’yo kagabi ni Nanay?’’
“Ha? A e…”
(Itutuloy)
- Latest