Hiyasmin (159)
TINIKMAN ni Hiyasmin ang pasalubong na kakanin ng nanay ni Dax.
“Ang sarap po Nanay!’’ sabi ni Hiyasmin.
“Natutunaw sa dila! Ano pong tawag dito?”
“Hinalo ang tawag ko diyan.’’
“Bakit po hinalo?’’
“Galapong na malagkit yan na hinalo ko nang hinalo sa kawali. May gata, ginadgad na sariwang mais at asukal. Kailangan ay pantay ang apoy at panay na panay ang paghalo para hindi magdikit sa kawali.’’
“A kaya hinalo. Ikaw po ang unang nagluto nito Nanay?’’
“Oo. Wala pang nakakagagawa niyan.”
“Kailangan po pala ay iparehistro ito at baka gayahin ng iba, he-he-he!’’
“Huwag na. Madali lang namang gawin. Ituturo ko sa iyo. Ang sekreto ay nasa paghahalo at mahinang apoy. Kasi kapag malakas ang apoy at nagdikit sa kawali, masusunog magkakaroon ng amoy —hindi maganda ang amoy sunog.’’
“Sige po Nanay. Natutuwa ako at narito uli kayo ni Tatay.’’
“Kumusta na kayo rito ni Dax?’’
“Okey naman po?’’
“Wala pa ba?”
Napangiti lamang si Hiyasmin sa tanong ni Nanay.
“Siyanga pala, pagpunta ko sa kuwarto mo mamayang gabi, may sasabihin ako sa’yo. Hindi ko puwedeng sabihin dito at baka may makarinig. Mamayang gabi, pagkatapos nating maghapunan ay magkukuwentuhan tayo. Magugulat ka sa sasabihin ko.’’
Nag-isip si Hiyasmin.
Ano kaya yun?
Itutuloy
- Latest