May isang Pangit (76)
Malaking halaga ang iniwan ni Tibur kay Tiya Encar. Puhunan iyon para sa tindahan at sa pag-aaral ni Tibur. Ipadadala na lang kung may kulang pa. Regular na tatawag si Tibur para malaman ang kalagayan nila.
Si Torn ang tatawagan niya. Ibinigay niya kay Torn ang bago niyang cell phone.
“Mag-aral kang mabuti, Torn. Gawin mo ang mga sinabi ko,” sabi ni Tibur habang inihahanda ang mga dala-dalahan. Hapon pa ang flight niya.
“Oo Kuya Tibur. Hindi ko malilimutan ang mga payo mo.”
Si Tiya Encar naman ang kinausap.
“Paunlarin n’yo ang tindahan, Tiya Encar. Alam ko, kayang-kaya ni Tiyo Nado ang pagtitindahan. Pagtulungan n’yo para ma-ging maayos.’’
“Oo Tibur.’’
Binalingan si Tiyo Nado na inaayos ang mga dala-dalahan ni Tibur.
“Huwag ka nang mamasada ng dyipni Tiyo Nado. Mas nakaka-stress ang pagmamaneho at saka baka magkasakit ka dahil naka-expose sa pollution at init. Gamitin mo lang ang dyipini mo sa paghahakot ng paninda n’yo. Kapag hindi na umubra ang luma mong dyip, sabihin mo sa akin at ibibili kita ng pick-up.”
Tuwang-tuwa si Tiyo Nado. Hindi malaman kung paano magpapasalamat kay Tibur.
“Sa sunod kong uwi, kasama ko si Alice at mga anak ko. Gusto rin nilang ma-kita kayo.’’
“Sana sa isang taon, makauwi kayo, Tibur.’’
“Susubukan namin, Tiya. Depende kasi sa trabaho namin. Lalo pa ngayon at mataas na ang posisyon ni Alice sa kompanya. Hindi basta-basta makaalis. Malaki na kasi ang kompanya at dapat naroon lagi si Alice. Sa bayaw niya ang kompanyang iyon kaya alagang-alaga niya.’’
“Sabihin mo kay Alice, na gusto ko siyang makita, Tibur. Ikaw naman kasi, hindi ka nagdala ng retrato niya.’’
“Nalimutan ko Tiya Encar.’’
“Kahit hindi ko pa nakikita si Alice, sigurado ako na napakaganda at napakabait niya, Tibur.’’
“Super bait at ganda, Tiya Encar.’’
“Napaka-suwerte mo, Tibur. Marami ka nang pera ay magan-da pa ang asawa.”
“Madalas kasi akong manalangin, Tiya.’’
Napatangu-tango si Tiya Encar.
“Hihintayin namin ang pagbalik n’yo, Tibur.’’
“Mas masaya ang pagbabalik namin, Tiya.’’
Nang aalis na si Tibur ay mahigpit siyang niyakap ni Tiya Encar.
“Ikaw ang nag- ligtas sa amin sa kahirapan, Tibur. Mag-iingat ka lagi.”
Umalis na si Tibur. Hindi na siya nagpahatid sa mag-anak.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending