Hiyasmin (139)
“ITI-TEXT kita mamaya kapag patungo na ako sa opisina n’yo. Malapit lang naman ‘yun sa opis namin—mga isang building lang ang pagitan,’’ sabi ni Dax kay Hiyasmin habang nasa taxi sila.
“Opo Sir Dax.’’
“Sa lobby kita hintayin.’’
“Opo.’’
“Pero huwag kang magmamadali sa pag-uwi. First day mo sa work ngayon at marami ang nag-oobserba sa’yo. Kung may kinakailangang gawin kahit lampas na sa oras, gawin mo.’’
“Salamat sa tips Sir Dax. Tatandaan ko ang mga ‘yan.’’
“Mabuti nang nakahanda ka para hindi ka natataranta.’’
Unang bumaba si Hiyasmin.
“Bye Sir Dax.’’
“Bye.’’
KINAHAPUNAN, eksakto 5:00 p.m., nag-out na si Dax.
Dati paglabas niya sa opis, deretso na siya sa pag-uwi o kung may bibilhin siya sa supermarket, dumaraan siya.
Ngayon, nabago ang ruta niya—daraanan niya si Hiyasmin sa opis nito.
At pakiramdam ni Dax, excited siya sa pagsundo kay Hiyasmin. Parang sabik siyang makita si Hiyasmin kahit kanina lamang ay magkasabay silang pumasok. Bakit kaya nasabik siya kay Hiyasmin?
Tatlong minuto lamang ay nasa lobby na siya ng building na pinag-oopisinahan ni Hiyasmin.
Naroon na si Hiyasmin at naghihintay.
“Tamang-tama ang dating mo Sir Dax. Kabababa ko lang!’’
“Saktung-sakto!’’
Itutuloy
- Latest