May isang Pangit (75)
“PERO kahit na tutulu-ngan ko kayo, kailangan pa ring magkaroon ng sariling pagsisikap. Lalo na ikaw, Torn. Ikaw ang magdadala sa inay at itay mo sa magandang buhay. Tutulungan ko kayo sa lahat ng kailangan para madali ang pag-abot ng kaginhawahan…’’
“Magsisikap ako Kuya Tibur. Hindi masasayang ang gagawin mong pagtulong.’’
“Ganyan ang gusto kong marinig, Torn.’’
‘‘Hindi ka mabibigo sa akin, Kuya. Kung ang ibang kabataan ay walang plano sa kanilang buhay, ako ay meron.’’
“Ganyan nga Torn. Palagay ko yayaman ka pa kaysa sa akin. Baka talunin mo pa yung record ko na walang pahinga kapag nasa trabaho,. Kahit jingle nga nalilimutan ko. Kaya hindi nagkatotoo sa akin ang “jingle lang ang pahinga.’’
Nagtawa si Torn.
“Pag-alis ko, tandaan mo lahat ang bilin ko ha, Torn. Ikaw ang magpapaalala sa inay at itay mo dahil matatanda na sila. Yung mga ipadadala kong pera sa inyo, ilalagay ko sa pangalan mo at ikaw na ang bahalang magbigay sa inay at itay mo. Lahat ng kailangan mo ay itawag mo sa akin. Hayaan mo at ibibili kita ng cell phone para madali ang komunikasyon natin.
“Salamat Kuya Tibur.’’
“Balak ko rin sabihin kay Itay mo, kay Tiyo Nado na tumigil na sa pamamasada at ang asikasuhin na lang nila ni Tiya Encar ay ang sari-sari store na ipatatayo ko. Okey ba ‘yun, Torn?”
“Ganyan din ang gusto kong mangyari Kuya. Kasi baka magkasakit si Itay dahil sa usok ng mga sasak-yan na nalalanghap niya. Kita mo’t ayaw tumaba ni Itay. Kung minsan nga madalas ay napapansin kong inuubo.”
“Kailangan pala talaga tumigil siya sa pamamasada,” sabi ni Tibur.
Nang sabihin ni Tibur ang plano para kina Tiya Encar at Tiyo Nado, masayang-masaya ang mag-asawa.
Bago umalis si Tibur, naplantsa na ang plano niya para kina Torn.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending