Thelma (112)
BIGLANG iniba ni Trevor Buenviaje ang usapan.
‘‘Siyanga pala, Thelma doon pa rin ba kayo nakatira?’’
‘‘Dun sa lugar na pinuntahan mo?’’
‘‘Oo. Di ba ang bahay n’yo ni Delmo ay yung may apat na hagdan at natatandaan ko e kumain tayo na nakalupagi sa sahig...’’
‘‘Hindi na. Pinauupahan ko na lang iyon.’’
‘‘Ah e di asensado ka na pala. At saka ang sabi mo e may shop ka — motorcycle shop ba?’’
“Spare parts ng motorcycle.”
“Oo yun. E di maa-yos na pala ang buhay mo. Mabuti at nakaiwan si Delmo ng ganoong kabuhayan.”
‘‘Hindi si Delmo. Yung pangalawa kong asawa…’’
Napatingin na walang kakurap-kurap si Trevor. Hindi inaasahan ang sinabi ni Thelma.
“A nag-asawa ka pala uli?’’
Tumango si Thelma. Hinalo ang halo-halo. Tunaw na tunaw na. Halos tubig na ang laman.
‘‘O e kumusta naman? Magkuwento ka naman Thelma…’’
Napalunok si Thelma. Ayaw na sana niyang magkuwento dahil baka madako sa anak na si Trev. Pero hindi naman ubrang hindi siya magsalita.
“Namatay din ang ikalawa kong asawa. Atake naman sa puso ang dahilan. Siya ang may-ari ng damitan na pinaglilingkuran ko bilang tindera. Tapos nang maging mag-asawa na kami e nagtayo kami ng shop — yung motorcycle spareparts nga…’’
“Anong age ng ikalawang asawa mo at maaga yatang namatay?”
“Matanda.”
“Ba’t naman matanda?”
Hindi nakasagot si Thelma. Bakit pati naman iyon ay tinatanong.
‘‘I’m sorry Thelma. Masyado akong maurira. Sorry.’’
“Okey lang. Pero sasagutin na rin kita kung bakit matanda ang nagustuhan ko. Kasi’y iniisip ko ang kinabukasan ng aking anak. Wala akong alam na paraan para makaalis sa kahirapan. Kaya naisip ko, tanggapin na si Caloy — yung asawa ko…’’
Nakatingin lang si Trevor. Parang naaawa kay Thelma.
Si Thelma ay may pinipigil sa damdamin.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending