Thelma (103)
LUMIPAS pa ang ilang taon. Asensado na si Thelma. Nadagdagan pa ang kanyang negosyong spare parts ng motorsiklo. Malakas pa rin ang kanyang tindahan ng damit. Si Trev ay nasa first year high school na. Matalino ang anak. Valedictorian nang magtapos ng Grade 6. Napapansin ni Thelma na habang patungo sa pagiging binatilyo ay gumuguwapo ang anak. At pansin na pansin na kahawig ng amang si Trevor Buenviaje, ang manunulat na taga-Maynila na naka-one night stand niya. Siya ang kusang nagkaloob ng pagkababae kay Trevor Buenviaje. Namatay ang kanyang asawang si Delmo na ang paniwala’y siya ang ama ng ipinagbubun-tis ni Thelma. Ang paniwala rin naman ng anak niyang si Trev, si Delmo ang ama niya. Yun naman ang gusto ni Thelma, hindi na dapat malaman ni Trev na ang tunay niyang ama ay ang manunulat na si Trevor Buenviaje.
Naalala ni Thelma ang key chain na naiwan ni Trevor Buenviaje noong madaling araw na umalis ito. Nagmamadali si Trevor Buenviaje sa pag-alis para hindi na sila magkita ni Delmo na noon ay namamasada ng traysikel. Parang sa tingin ni Thelma, nakokonsensiya si Trevor Buenviaje sa nangyari sa kanilang pagniniig. Pero walang ibang dapat sisihin kundi si Thelma na rin. Siya ang kusang nagkaloob ng sarili kay Trevor. Gusto na kasi niyang magkaanak. Malaki ang paniwala niya na baog si Delmo. Maraming taon na silang nagsasama ni Delmo pero hindi siya mabuntis. Samantalang minsan lang silang nagtalik ni Trevor Buenviaje pero makaraan lang ang isang buwan ay naduduwal na siya. Buntis na pala siya. Pero ang alam ni Delmo, sa kanya ang pinagbubuntis ni Thelma. At malay ba ni Thelma kung sadyang alam ni Delmo na baog siya. At sinadya niyang bumiyahe ng madaling araw para magkasarilinan sila ni Trevor Buenviaje. Hinayaang makipagtalik para mabuntis ang asawang si Thelma.
Napabuntunghininga si Thelma sa mga naisip. Binabalikan lang niya ang nakaraan. Marami nang nangyari mula nang mangyari iyon. At gusto nga niya, huwag nang matuklasan pa ni Trev ang tunay niyang ama.
Bahagya nang nalilimutan ni Thelma si Judith. Ilang taon na ang nakalilipas mula nang mamatay si Caloy. Bahaw na ang sugat na nilikha ni Judith. Lumipas ang lahat.
Hanggang sa isang tanghali na abala si Thelma sa pagkukuwenta ng kita ng shop ay nakita niya ang paparating na babae. Mukhang matanda at hirap na hirap sa buhay.
Nang ilang metro na lang ang layo sa kanya ay saka namukhaan ni Thelma ang babae —walang iba kundi si Judith!
(Itutuloy)
- Latest
- Trending