Thelma (2)
WALANG tigil ang pagdating ng mga taong nakikiramay. May lumalabas at pumapasok. Sisilipin ang bangkay ni Delmo sa kabaong. Pagkatapos sumilip ay may iaabot kay Thelma – perang abuloy. Singkuwenta pesos o kaya’y isandaang piso na nakabilot.
“Pagpasensiyahan mo na ito, Thelma,” karaniwang sinasabi ng mga nag-aabot ng abuloy.
“Salamat po.’’
“Huwag kang masyadong mag-iisip at baka kung ano ang mangyari sa panganay mo. May awa ang Diyos. Kailangang maging matatag ka Thelma.”
“Salamat po.’’
Kailangan nga ay maging matatag siya ngayong wala na si Delmo. Kapag hindi siya naging matapang at matatag ay hindi sila mabubuhay ng batang isisilang niya.
Naalala niya ang mga sinabi ni Delmo noong isang gabi na sila ay nakahiga na para matulog. Balak nitong ipagbili ang traysikel at maghahanap ng pagkakakitaan sa San Pablo. Mahina na ang kita sa pagtatraysikel dahil marami nang operator. Sa loob ng maghapon ay nakakailang biyahe na lang dahil pumipila. Kung minsan wala pang P200 ang kinikita. Paano raw sila mabubuhay sa ganoong kita.
Naaalala ni Thelma na may plano na agad si Delmo sa ipinagbubuntis niya. Kailangan daw na makakita siya ng bagong trabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang magiging anak. Kailangan daw na maigapang nila ang pag-aaral nito. Hindi raw dapat matulad sa kanila ang magiging anak na walang natapos. Si Delmo ay hindi pa nakatapos ng high school. Siya naman awa ng Diyos ay nakatapos ng high school. Hindi na nga siya nakapagpatuloy ng college dahil sa kahirapan ng buhay.
Nabanggit din ni Delmo na naghahanda na siya para sa nalalapit na panganganak ng asawa. Naalala ni Thelma na madalas hipuin ni Delmo ang bilog na bilog na tiyan niya. Hula ni Delmo ay babae ang kanilang magiging anak. Palatandaan daw na babae ang anak ay kapag maaliwals ang mukha ng ina. At sabi ni Delmo, maganda at maaliwalas ang mukha ni Thelma. Pero hula naman ni Thelma, lalaki ang magiging anak nila. Pagkatapos himasin ni Delmo ang tiyan ni Thelma ay hahagkan ito.
Sa tagpong iyon biglang napaiyak nang malakas si Thelma.
“Delmo! Delmooo!” Umiiyak na sigaw niya. Napuno ng sigaw ang maliit na salas na kinabuburulan ng asawa. Awang-awa naman kay Thelma ang mga taong nakikiramay
(Itutuloy)
- Latest
- Trending