Ganti (114)
“STROKE ang dahilan. Hindi na raw nagkamalay si Papa pero tumitibok pa ang pulso. Dalawang araw na-coma hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay.
“Sabi ni Mama, para raw siyang nananaginip. Gusto raw niyang paniwalain ang sarili na isang bangungot lang ang lahat. Pero nang inilalabas na sa ICU ang bangkay ni Papa para dalhin sa morgue, natanggap na ni Mama na wala na nga si Papa. Wala na ang lalaking minahal niya nang labis. Kasunod niyon ay nawalan siya ng malay.
“Nang magmulat ay nasa tabi niya sina lolo at lola (ina at ama ni mama). Pinapayapa ang kalooban. Wala na raw magagawa kaya kailangang kumilos siya. Kailangang sa kanya magsimula ang lahat. Itinanong nina lolo at lola kung saan ibuburol si Papa.
“Sinabi ni Mama ang lugar. Si lolo at lola na ang namahala niyon. Nang maayos na ang katawan ni Papa ay saka lamang dinala si Mama sa kinabuburulan nito.
“Iyak nang iyak si Mama habang pinagmamasdan si Papa sa kabaong. Parang natutulog lang si Papa. Payapa ang mukha. Walang sign na may hinanakit sa mommy nito. Namatay na hindi pinatawad ng ina.
“Hindi umaalis si Mama sa tabi ng kabaong ni Papa at laging sinisilip. Mugtung-mugto ang mga mata. Sabi pa ni Mama, hindi raw niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya kapag ililibing na si Papa. Baka hindi niya makayanan ang lahat. Baka raw kung ano ang magawa niya…
“Ikalawang araw ng burol ay may hindi inaasahang bisita na dumating. Ang mommy ni Papa, si Misis Chan! Si Mama ay panatag lang habang nakaupo malapit sa kabaong.
“Pumasok daw si Misis Chan sa loob ng punerarya na parang walang nakikitang tao. Tuluy-tuloy sa kabaong ni Papa. Tiningnan. Maya-maya raw ay umiyak. Pinahid ang luha.
“Tumayo raw si Mama para yakapin si Misis Chan pero umiwas ito sa kanya. Ni hindi kinausap si Mama. Maya-maya lamang ay umalis na raw ito.
“Umugong ang bulungan nang makalabas si Misis Chan. Maraming nainis sa ginawa nito. Bastos daw. Akala mo kung sino.
“Si Mama naman ay naupo na muli. Hindi na niya binigyang pansin ang ginawa ni Misis Chan. Okey lang. Natatandaan ni Mama, ayaw ni Papa na mamroblema siya.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending