Ganti (104)
“SERYOSONG-SERYOSO raw si Papa habang nagsasalita. Wala raw nakitang pagkukunwari ang aking lolo at lola. Hindi raw sila makapaniwala na ang mayamang anak ng Intsik ay magpapahayag ng kanyang saloobin. Kahit pa raw palayasin siya ng kanyang magulang ay balewala sa kanya. Talaga raw labis ang pag-ibig nito kay Mama. Masyadong nabighani sa kagandahan at siguro’y sa kabaitan din ni Mama.
“Habang wala raw ang mga magulang ni Papa at nasa Maynila ay naroon palagi sa bahay nina Mama. Masayang nagkukuwentuhan. Doon na ito kumakain. Minsan pa raw ay nagdala ito nang maraming pagkain --- pansit, puto, cake, tinapay at ice cream. Takang-taka raw si Mama at pati na rin sina lolo at lola. Tinanong daw ni Mama si Papa kung ano ang okasyon at nagdala ng pagkain. Para raw iyon sa kanilang wagas na pag-iibigan.
“Korni, sabi raw ni Mama kay Papa. Para raw matanda sa una. Pero sa isang banda, nakita raw ni Mama na talagang mahal na mahal siya ni Papa. Ipinakita nito na talagang dalisay at wagas ang pagmamahal sa kanya.
“Pero sa kabila na kumbinsido na sina Lolo at Lola na mahal nga ni Papa si Mama, nakadarama pa rin sila ng takot sapagkat baka isang araw ay matuklasan ni Misis Chan ang lihim at gumawa ito ng paraan para mailayo si Papa kay Mama.
“Minsan, dumating si Papa na wala sina Lolo at Lola. May dinaluhan daw na kasalan. Nang bandang hapon ay lumakas ang ulan. Walang tigil. Hanggang sa umapaw na ang ilog na nasa di-kalayuan.
“Sabi ni Mama baka hindi na makauwi sina Lolo at Lola dahil baha na. Sabi naman daw ni Papa ay walang problema dahil naroon naman siya. Huwag matakot dahil handa niyang bantayan si Mama.
“Pero nang lumalim ang gabi, natuklasan nina Mama at Papa na masarap palang matulog nang magkatabi. Ang lamig ng panahon na dinulot ng pag-ulan ay napawi dahil sa kanilang pagsisiping…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending