Ganti (69)
Ilang beses pang tiningnan ni Lorena ang nasunog na bahay at pagkaraan ay umalis na. Pakiramdam niya, magaan na magaan ang pakiramdam niya. Isang taksing dilaw na walang laman ang pinara niya. Nagpahatid siya sa station ng bus sa Buendia. Habang tumatakbo ang taxi kakaiba ang nararamdaman niya. Ngayon lang siya nakadama ng ganoon. Parang nagdiriwang siya sa pagkawala ng dalawang taong umapi nang labis sa kanya. Gayunman, naiisip din niya ang sinapit ni Encar. Kaya pala hindi ito dumarating sa Nagcarlan ay kasama na sa natupok. Parang ayaw naman niyang maniwala.
Nang ikuwento ni Lorena ang nakita sa Binondo ay hilakbot na hilakbot sina Lyra, Lea, Pau, Ara, Kelly at Angela.
“Walang natira sa dating bahay at tindahan. Pawang abo at sunog na yero ang naroon. Sabi ng babaing nakausap ko, ang mag-asawang Intsik daw ay nakita pang kumakaway sa bintana at humihingi ng saklolo. Wala raw kasing fire exit ang bahay…”
“Totoo po iyon, Mam Loren,” sabi ni Lyra.
“Kapag na-trap po talaga ay hindi makakalabas sa bahay na iyon,” sabi naman ni Lea.
“E Mam, nasaan na po kaya si Encar?” tanong ni Ara.
“Sabi ng nakausap ko, lahat daw ng tindera ay kasamang nasunog.”
“Diyos ko po kaya pala hindi na dumating si Encar,” sabing umiiyak ni Lyra.
“Nakuha raw po ba ang mga bangkay ng nasunog na tindera?” tanong naman ni Pau.
“Oo raw kaya lang ay hindi makilala dahil sunog na sunog.”
Lalo nang umiyak si Lyra. Siya ang tanging masamang-masama ang loob dahil sa pagkawala ni Encar. Sinisisi na naman ang sarili.
“Kung hindi namin iniwan si Encar siguro ay buhay pa siya,” sabi nito.
Muli, pinayuhan siya ni Lorena.
“Huwag mo nang sisihin ang iyong sarili, Lyra. Di ba sabi ko sa’yo wala namang gustong mangyari ang ganoon. Siguro hanggang doon lang talaga ang kapalaran ni Encar. Huwag mo nang iyakan ang nangyari…”
Pero makaraan ang isang buwan, isang hindi inaasahang bisita ang dumating sa bahay ni Lorena sa Nagcarlan --- si Encar. Hindi sila makapaniwala.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending