Ganti (22)
NANANALAYTAY sa dugo ni Edel ang hilig sa negosyo. Naalala ni Lorena, negosyante ang among Intsik na gumahasa sa kanya at iyon ang sinusundan ni Edel. Hindi maikakaila na sa murang gulang ay nakikita na ang pagkahilig nito sa negosyo.
Naalala pa ni Lorena na nagpagawa si Edel ng cookies sa kanya.
“Anong gagawin mo sa cookies?” tanong niya.
“Ibebenta ko sa mga kaklase ko Mama. Kasi, sa aming canteen, e paulit-ulit na lang ang tinda.”
Napangiti si Lorena sa sinabi ni Edel. Iginawa niya ng cookies ang anak. Tumulong pa si Edel sa paghahanda ng gagamitin.
“Baka naman mapagalitan ka ng teacher mo?”
“Hindi naman siguro Mama.”
Hinayaan niya. Para na rin matutong kumita ng pera. Maaga pa’y mabuti nang malaman kung paano kumita.
At bukod nga sa pag-aalok ng paninda sa mga kaklase, tumutulong din si Edel sa kanilang tindahan ng longganisa. Ito na ang nagsusukli. Tinutulungan ang ina sa pagbibilang ng mga nakabalot na longganisa na order sa kanila. Noon ay hindi lamang ang isang grocery sa Makati ang nag-order sa kanya kundi pati ang mga nagma-manage ng canteen sa ilang government offices. Kumalat ang balita sa kanyang produkto mula sa bibig lang. Nagpasalin-salin. Kaya lalong lumakas ang benta ni Lorena. Kung noong nabubuhay pa si Noli ay malakas na ang kanilang produkto, mas lalo pa ngayon.
At inaamin ni Lorena, malaki ang naitutulong ni Edel sa kanya. Hindi niya akalain na sa murang gulang nito (noon ay magtatapos ito sa high school) ay marami nang naiisip para mapalakas pa ang produkto nila.
“Ma, kailangan baguhin natin ang packaging ng product.”
“E baka malito ang customer natin kapag binago?”
“Hindi ’Ma. Maaakit pa nga sila para bumili.”
“Paano?”
“Magpapa-design tayo. Marami nang nagde-design.”
Humanga si Lorena sa anak. Mukhang tama nga ito. Kailangang maganda ang packaging para maging kaakit-akit ang produkto.
Sinunod niya ang suhestiyon. Naghanap ng magdedesenyo ng kanilang produkto. Si Edel ang nagpaliwanag sa magdedesenyo sa nature ng produkto.
Nang matapos, ay hindi makapaniwala si Lorena. Tamang-tama sa kanilang produkto. Kaakit-akit iyon.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending