La Viuda (45)
Sa ilalim ng mansiyon, tensyonadong nag-aabang sina Andres at Kristina sa selda. Hinihintay nila si Ernesto na ipinangakong itatakas sila sa oras na makagawa siya ng gulo sa mansiyon. Sa mga oras na ito, dapat ay naghahanda na ang buong mansyon na salubungin ang ika-40 araw ng kamatayan ni Emilio. Ngunit sa ilalim, parang huminto ang ikot ng mundo para sa kanila.
“Natatakot ka ba?” mahinang bulong ni Kristina habang nakasandal ang kanyang ulo sa dibdib ni Andres. Naririnig niya ang mabilis na tibok ng puso ng binata.
Inabot ni Andres ang nanginginig at nanlalamig na kamay ng dalaga at pinagsalikop ang kanilang mga daliri. “Natatakot ako na baka mabigo ang plano ni Ernesto... at hindi na tayo makalabas dito nang buhay.”
Tahimik na napapikit si Kristina. Ibinaba niya ang kanyang isang kamay sa sariling tiyan, sa buhay na tahimik na nabubuo sa kanyang sinapupunan sa gitna ng lahat ng gulo, kasalanan, at manipulasyon.
“Andres...” pabulong na usal ni Kristina, may halong pait at pag-aalinlangan sa kanyang boses. “Paano kung paglabas ng batang ito, maging paalala siya sa lahat ng karanasan mo rito sa hacienda? Mamahalin mo pa ba siya?”
Tinitigan siya ni Andres sa dilim. Dahan-dahan nitong inangat ang kamay upang haplusin ang pisngi ng dalaga, pinupunasan ang nagbabadyang luha sa kanyang mata.
“Ngayon pa lang ay mahal na mahal ko na ang ipinagbubuntis mo, Kristina,” buong lambing na sagot ni Andres. “Ang batang ‘yan ang magiging patunay na natalo natin ang kasamaan sa lugar na ito. Kahit ano man ang mangyari, pamilya tayong makakaalis dito.”
Napahigpit ang yakap ni Kristina kay Andres, tila doon lamang nakahinga nang maluwag ang kanyang dibdib sa gitna nang maraming buwang pagdurusa.
Ilang sandali pa silang nanatiling nakayakap sa isa’t isa sa gitna ng katahimikan bago biglang nagkaroon ng pagkaluskos mula sa mga hagdanan sa itaas. Ang hudyat na pumapatak na ang mga huling minuto bago ang nakatakdang pagdating ng mga pulis.
(Itutuloy)
- Latest
















