^

True Confessions

La Viuda (44)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SA loob ng mansiyon, pumapatak ang mga huling minuto bago ang hatinggabi. Nakaupo si Ernesto sa gilid ng hagdanan, hindi mapakali. Nanginginig ang kanyang mga kamay. Matapos niyang ipangako kina Kristina at Andres na gagawa siya ng kaguluhan para makatakas na sila ngayong gabi, kinakabahan siya kung gagana ba ang kanyang nabuong plano. Narinig niya ang ingay na hudyat na magsisimula na ang kanyang mga naplanong panggugulo sa mansyon.

WOOO-WOOO-WOOO! Tunog ng mga sirena ng pulis­ na nagpayanig sa buong hacienda. Kasunod ay ang marahas na pagkalampag sa bakal na gate.

“Simula na ng palabas,” bulong ni Ernesto na naka­ngisi. Nag-abang siya sa mga susunod na eksena.

“Donya, may mga pulis po sa labas! Gusto nilang pasukin ang mansyon!” sabi ng isa sa mga utusan na bakas sa boses ang takot.

Kasalukuyang kumakain ng hapunan si Doña Presentacion. Napatigil ito. Mabilis na lumabas si Mang Teban, bakas ang matinding kaba sa mukha. Bago pa man makatugon ang mga utusan, nabuksan na ang pintuan ng mansiyon at mabilis na pumasok ang nasa mahigit sampung armadong pulis. At sa gitna ng mga ito ay nagpakita ang isang babaing puno ng galit ang mga mata. Si Natasha, ang tunay na kasintahan ng namatay na si Emilio.

“Pasensiya na sa pang-aabala sa oras ng hapunan, Doña Presentacion,” sarkastikong pag­hingi ni Natasha ng paumanhin habang itinataas ang isang legal na dokumento sa harap ng matanda.

“Anong kalokohan ito, Natasha? Hindi ba’t sabi ko na huwag ka nang babalik dito matapos akong bastusin at pagsalitaan ng ama mo?” galit na tanong ng donya. 

“Narito kami para sa isang opisyal na imbestigasyon at paghalughog. May matibay kaming ebidensiya na may ilegal kayong ikinukulong at pinahihirapan sa ilalim ng mansiyong ito!” paliwanag ng isa sa mga pulis.

Pilit na itinago ni Ernesto ang kanyang pagngisi, gani­tong-ganito kasi ang nasa imahinasyon niya noong isang araw habang pinaplano ang lahat ng ito. Sa kanyang plano, ayaw niyang siya mismo ang magsisimula ng gulo, mas gusto niyang may isang personalidad na gagawa ng eksena at walang iba iyon kundi si Natasha. Lihim na binisita niya ito kagabi sa kanilang ha­cienda at sinulsulan na dapat sa kanya mapunta ang lalaking kamukhang-kamukha ni Emilio. Sinabihan din niya ito na mag­sama ng mga pulis. Naisip niya na habang naghahalughog ang mga kapulisan sa mansiyon at gulat na gulat ang kanyang ina at si Mang Teban, itinatakas na niya sina Andres, Kristina at Aling Pacing. Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with