La Viuda (48)
“HINDI n’yo maaaring gawin sa amin ito! Isang tawag ko lang kay Mayor Gutierez at siguradong mananagot kayo sa kanya!” pananakot ni Donya Presentacion. Sunod nitong ginawa ay inutusan niyang humarang ang mga tauhan ng hacienda.
Ngunit hindi nagpatinag ang hepe ng kapulisan. “Aarestuhin namin ang sinumang humarang sa mga tauhan ko!”
Mabilis na pumasok ang mga pulis kasama si Natasha, habang naglalakad patungo sa sulok ng bodega. Nang makita ng hepe ang bahagyang nakaawang na takip sa sahig na tinatakan ng mga dayami, agad niya itong ipinaangat sa kanyang mga tauhan.
“Diyan! Sa ilalim na iyan!” turo ni Natasha, nanlilisik ang mga mata sa matinding galit. “Diyan nila itinatago ang kanilang bilanggo!”
Halos mabaliw sa takot at kaba ang donya na mabibisto na ang kanyang itinatagong bilanggo. Wala na lang itong nagawa kundi hampasin ang braso ni Mang Teban.
“Paano nalaman ng Natasha na iyan ang sikretong lagusan papunta sa kulungan ni Andres?” inis na tanong.
“Hindi ko po alam, Senyora!”
Dahan-dahang bumaba ang mga pulis sa makipot na tunnel, habang kasunod si Natasha. Ang bawat hakbang pailalim sa dilim ay sinasalubong ng amoy amag na semento at kalawang. Agad namang sumunod ang mag-among Presentacion at Teban.
Nang makarating sila sa selda ni Andres, nakita nila ang nakakalat na naputol na posas at ang kinakalawang na kadena na may mantsa ng natuyong dugo. Ngunit walang tao. Walang bilanggong nakakulong. Payapa at bakante ang buong ilalim ng lupa.
“Walang bilanggo dito tulad ng sumbong mo, Ma’am Natasha. Sigurado ka ba sa mga nakita mo?” tanong ng pulis.
“N-nasaan siya...?” Hindi makapaniwalang tanong ni Natasha kina Donya Presentacion. Napahawak siya sa kanyang ulo sa matinding kalituhan. “Narito lang siya noong isang gabi! Ilabas n’yo ang lalaking kamukhang-kamukha niya ni Emilio!”
Napailing at nagbigay ng simpatya ang Donya sa pagwawala ni Natasha “Ngayon pa lang Natasha ay pinatatawad na kita sa mga kahibangan mo. Alam kong nagluluksa ka pa rin sa pagkawala ng anak kong si Emilio at epekto nito ay ang makakita ng mga hindi nakikita ng ibang tao. Dahil mapagpatawad akong tao, hahayaan na lang kitang umuwi sa inyo at hindi na kita ihahabla sa panggugulo n’yo sa amin.” Nakangising ‘pagpapakumbaba’ ng Donya.
Itutuloy
- Latest


















