ganti(16)
LUMAKAS pa ang negosyong skinless longganisa nina Lorena at Noli nang may mga umorder na canteen sa Makati at Manila. Kumalat ang tungkol sa negosyo nila sa pamamagitan lamang ng kuwento. Nagpasalin-salin. Hanggang sa marami nang nakaalam. Kaya masyadong naging busy ang dalawa. Kinailangan na nilang kumuha ng dalawang katulong para sa pagbabalot ng kanilang skinless. Lalong lumaki ang kanilang ipon. Bukod sa negosyong iyon, malakas din ang kita sa mga lansones. Malawak ang lansonesan ni Noli. Namumulaklak pa lamang ang mga lansonses ay marami na ang pumapakyaw. May nagbabayad na ng pauna kay Noli para masiguro na siya ang aani ng lansones. Walang kahirap-hirap si Noli sapagkat ang pera na ang lumalapit sa kanya.
Tinupad nina Lorena at Noli ang pangako na linggu-linggo ay dadalawin nila ang mag-asawang Delia at Delfin sa Tatalon, Quezon City.
Tuwang-tuwa ang mag-asawa kapag nakitang dumating na sina Lorena. Sabik na sabik sa kanila lalo na kay Edel na noon ay lumalakad na. Naninimbang na.
“Ay ang guwapo naman ng apo ko,” sabi ni Mang Erning. “Kamukha ni Lolo.”
Si Aling Delia naman ang kakarga kay Edel.
“Siguro matalino ang batang ito paglaki. Kasi’y parang nakakaintindi na kapag kinakausap ko. Parang nag-oobserba na. Tingnan n’yo at parang may isip na.”
“Mana kasi sa lolo, he-he-he.”
Minsan daw ay kinausap ni Aling Delia si Lorena. Nasa kusina sila at naghahanda ng pananghalian.
“Hindi ka pa tinatama- an ni Noli?”
Gulat si Lorena. Alam niya ang kahulugan niyon.
“Hindi pa, Nanay Delia. Nagtataka nga ako.”
“Aba, hindi kaya baog si Noli?”
Nagtawa si Lorena.
“Hindi naman siguro Nanay Delia. Baka lang talagang hindi pa panahon.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending