Ganti (11)
“AKO ba ang sanggol na iyon, Mama?” tanong niya sa kanyang mama na si Lorena.
“Oo.”
Hindi niya alam kung ano pa ang isusunod niyang tanong sa kanyang mama. Hinayaan na lamang niyang ikuwento nito ang mga natitira pang bahagi ng kasaysayan nilang mag-ina. Pero alam na niya kung saan siya nagmula. Alam na niya kung ano ang hirap na pinagdaanan ng kanyang minamahal na ina. Nagpapasalamat siya na hindi inabort ng ina sa kabila ng mga naranasang kapaitan sa buhay. Masuwerte siya at nagkaroon ng inang katulad ni Lorena.
Itinuloy ng kanyang ma-ma ang pagkukuwento noong ipanganak siya.
“Nang ipanganak kita, tuwang-tuwa si Mang Er-ning at Aling Delia. Para bang noon lang silang magkakaapo. Nang sumumpong ang sakit ng tiyan ko e agad na tumawag ng taksi si Mang Erning mo. Si Aling Delia naman ay nakaalay sa akin. Huwag daw akong kabahan. Makakakaraos daw ako nang maayos. Siya raw nang ma-nganak ay hindi nahirapan.
“Tama si Lola Delia mo. Mabilis kitang nailuwal. Makaraan ang ilang oras ay nalaman ko na agad na lalaki nga ang ipinanganak ko. Sabi ni Aling Delia, isang malusog na sanggol na lalaki ang ipinanganak ko. Tuwang-tuwa naman si Mang Erning dahil lalaki ang sanggol. Sabi pa niya, mag-isip na raw ako ng ipapangalan. Sabi ko naman, bahala na sila.
“ERNEDEL ang ipinangalan sa’yo, mula sa Ernesto at Delia. Edel ang naging nickname mo. Mahal na mahal ka ng Lolo
Erning at Lola Delia mo. Talagang apong tunay ang turing sa iyo.
“Unang birthday mo, ipinaghanda ka nang todo ng Lolo at Lola mo. Nagpaluto nang maraming pagkain. Maraming bata sa kapitbahay ang inimbita. Tuwang- tuwa ka Edel. Ako naman kahit na nangako ang mag-asawa na hindi nila tayo pababayaan nasa dibdib ko pa rin ang kaba. Kasi’y matatanda na ang mag-asawa. At umaasa lamang sila sa kaunting pension sa SSS at sa padala ng mga anak mula sa abroad. Paano kung wala na sila? Kawawa tayong mag-ina. Siyempre mag-aaral ka.
“Hanggang sa isang araw ay dumalaw ang pamangkin ni Aling Delia na si Noli. Noon pa ay naikuwento na ni Aling Delia na mayroon siyang pamangkin na matandang binata. Mabait at mahiyain daw. Nakatira raw sa Laguna. Nang una kong makita si Noli, nabaitan na agad ako.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending