May hiyas pa sa liblib(108)
“KUNG buhay si Lola Angela, matutuwa siguro siya,” sabi ni Fred.
“Bakit naman Mang Fred este Fred pala.”
“Ganyan nga. Sanayin mo nang wa-lang “mang”. Kasi’y wala na tayo sa liblib.”
“Bakit mo nga nasabi na matutuwa si Lola.”
“Nasa mabuti ka nang mga kamay ngayon. At alam mo, malaki ang paniwala ko na ang matandang babae na tumulong sa’yo ay si Lola Angela.”
“Naninindig ang balahibo ko, Mang Fred este Fred pala. Alam mo, yun din ang paniwala ko. Yung matandang tumulong sa akin ay si Lola.”
“Wala ka namang nahalata habang naroon ka?”
“Wala naman. Isa pa’y mahinang-mahina ako noon at walang ibang naiisip kundi ang makapagpahinga. Masakit na masakit ang katawan ko.”
“Lalo na nang sabihin mo na marunong din palang gumawa ng puto ang matanda. Malakas talaga ang paniwala ko na si Lola Angela yun.”
“Kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, gusto kong balikan ang matanda. Puwede mo ba akong samahan, Mang…”
“Ooopps, hindi kita sasamahan. Ulitin mo.”
“Fred sasamahan mo ba ako kung sakali.”
“Ganyan. Sige sasamahan kita pero huwag muna ngayon. Siguro pagkalipas ng isang linggo. Kaila-ngang nasa mabuting kalagayan ka.”
“Salamat, Fred. Siguro nga matutuwa si Lola. Alam niya nasa mabuti akong kamay.”
Pumasok si Mulong. Bitbit ang kalderong malaki.
“May ipagagawa ka ba Ate?”
“Wala naman, Mulong. Magpahinga ka na.”
“Ihahanda ko ang mga dahon, Ate?”
“Sige.”
Nagluto ng puto si Ganda.
Ang naunang luto ay pinagsaluhan nilang tatlo. Sarap na sarap si Fred at Mulong. The best puto in the world daw.
Kinabukasan, ang puto ni Ganda ay nakatinda na.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending