May hiyas pa sa liblib (98)
“MAMAYANG alas-dose, hihintayin kita dun sa may barangay hall. Kukuha na ako ng taxi para sasakay ka na lang…”
“Natatakot ako, Mang Fred…hindi ko kaya…”
Napansin ni Fred na hindi mapakali si Ganda. Umalis sa harap niya. Hindi niya sinundan ng tingin at baka mahalata ng lalaking bantay. Itinuloy niya ang pagkain. Inunti-unti niya ang pagkain. Hindi siya tumitingin sa lalaki. Pagbalik ni Ganda, pipilitin na niya na tumakas na mamayang alas-dose. Hindi na dapat pang ipagpaliban.
Matagal bago nagtungo sa kanyang mesa si Ganda.
“Nakakahalata ang guwardiya, Mang Fred. I-text na lang kita. Umalis ka na bago tuluyang maghinala. Kanina sinundan ako sa kitchen.”
“Sige. Teka at babayaran ko.”
“Sandali at kukunin ko ang bill. Huwag kang titingin sa guwardiya.”
Umalis si Ganda. Makalipas ang ilang minuto ay nagbalik. Dala ang bill ng babayaran.
Binayaran ni Fred.
“Tatawagan kita, Ganda.”
“Ako na lang ang tatawag at magti-text. Sige na, alis na!”
Lumabas na si Fred. Alam niya sinusundan siya ng tingin ng lalaking guwardiya.
Nang dumating siya sa bahay sinabi niya kay Mulong ang nangyari.
“Kaya pala hindi mo kasama si “hiyas” Kuya.”
“Gusto ko nga, itakas na siya ngayong alas-dose, kaya lang takot. Baka raw mahuli kami ng guwardiya. Hindi raw niya kayang tumakbo at magtago.”
“Kawawa naman pala si “hiyas” Kuya. Dapat talagang makuha mo siya roon.”
“Oo nga. Ang ikinatatakot pa niya ay baka raw gapangin siya ng anak ng amo. Kapag naka-shabu raw ang anak ng amo, talagang parang demonyo.”
“Kung ako sa’yo Kuya, isuplong mo na sa pulis.”
“Iyan na nga ang naiisip ko. Kapag wala na akong magawang paraan, baka lumapit na ako sa pulis at siguro puwedeng ireklamo sa Labor dahil hindi siya pinasusuweldo ilang buwan na. ”
Kinagabihan, hindi na mahintay ni Fred na si Ganda ang mag-text at tumawag. Siya na ang nagkusa. Hindi na siya mapakali. Gusto niyang malaman ang kalagayan ni Ganda.
Dinayal niya ang number para tawagan. Pero patay ang cell phone.
Sumunod na gabi, hindi inaasahan ni Fred ang mga mangyayari.
Pasado alas dose ng hatinggabi, biglang tumawag sa kanya si Ganda. Takot na takot.
“Mang Fred, nasusunog itong restaurant!!!”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending