May hiyas pa sa liblib (2)
UMATUNGAL ang Starlite. Palatandaang aalis na sa Batangas pier. Maya-maya pa, naramdaman ni Fred ang pagkilos ng mga tripulante. Mula sa kinauupuan sa gilid ng barko ay nakita niyang inaalis na ang higanteng lubid na gawa sa nylon. Maya-maya pa, umusad na ang Starlite, pumihit at saka dere-deretso nang tumakbo at humiwa sa asul na dagat. Nakita ni Fred ang dinaanan ng barko na parang nagkaroon ng kalsada.
Mas masarap sa upper deck ng barko sapagkat masarap ang simoy ng hangin. Pumikit si Fred at ninanamnam ang dampi ng hangin sa kanyang pisngi.
At muli sa pagkakapikit ay nakita na naman niya ang nakaraan. Una ay ang masakit na pagkamatay ng kanyang asawang si Nida na namatay sa panganganak. Hindi pa siya nagsa-Saudi noon at nagtatrabaho pa sa isang kompanya ng papel sa Makati bilang secretary. Matagal bago nagbuntis si Nida. Limang taon na silang kasal bago nagbuntis. Hirap na hirap ito sa pagbubuntis. At hanggang sa mangyari ang masaklap na pangyayari, namatay ito habang iniluluwal ang kanilang panganay.
Gusto na rin niyang mamatay nang mawala si Nida. Nawalan siya ng gana sa buhay. Maski may anak na naiwan si Nida, hindi sapat. Bakit ganoon kaikli ang pagsasama nila.
Hanggang sa maisip niyang mag-abroad. Nag-resign sa kompanya ng papel ay nag-aplay sa Saudi. Natanggap bilang secretary. Okey ang suweldo. Nalibang siya sa Saudi. Tumagal nang ilang taon.
Hanggang sa maka-penpal si Precy. Niligawan. Naging mag-asawa. Akalain ba niyang ito pala ang magdudulot pa nang ma-tinding kabiguan sa buhay niya. Pinendeho siya.
Napadilat si Fred. Puro dagat pa ang natanaw niya. Mga isang oras pa ang biyahe. Pumikit muli. Nakita ang mukha ng babaing nagwalanghiya sa kanya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending