Ang kapitbahay kong si Jesusa (76)
NAG-PANIC na ako nang hindi makita si Jesusa. Baka…dinukot na! Baka nasundan kami ni Rebo. Mabilis kong hinanap sa mga nag-uusyusong mga tao sa may bangin na kinahulugan ng pulang SUV. Hindi ko mapapatawad ang sarili kapag may nangyari kay Jesusa. Kung bakit kasi iniwan ko pa siya.
Nakipagsiksikan ako sa mga taong nasa may bangin at nakatunghay sa nahulog na sasakyan. Sinulyapan ko, inaalis na ng rescuers ang katawan ng tao sa sasakyang nakataob.
Pero hindi ang naaksidente ang gusto kong makita kundi si Jesusa.
Pumaibaba pa ako para hanapin si Jesusa. Marami pa ring sasakyan ang nasa gitna ng kalsada. Hindi makausad dahil nakabara na ang mga sasakyan ng pulis, rescuers at maski ambulansiya at bumbero ay naroon. Ume-echo ang wangwang ng mga ambulansiya at patrol car.
Iniisa-isa ko ang mga nadadaanang nakahimpil na sasakyan at baka naroon si Jesusa. Wala.
Hanggang sa matanaw ko ang isang sari-sari store sa gawing kanan ng kalsada. Maraming tao roon at bumibili ng softdrinks.
Doon ko nakita si Jesusa. Uhaw na uhaw na umiinom ng softdrinks.
“Jesusa!”
Itinigil nito ang pag-inom at napatingin sa akin.
“Akala ko kung ano na ang nangyari sa’yo Jesusa!”
“Bigla akong nauhaw Per. Hinahanap kita roon sa may bangin pero wala ka. Ipinasya kong dito sa tindahan magtungo.”
“Akala ko, kinidnap ka na!”
Nagtawa si Jesusa at niyakap ako.
“Sino namang kikidnap sa akin?”
“Si Rebo!”
“Patay na siya!”
“Paano mo nalaman?”
“Siya yung naaksidente.”
“Nakita mo?”
“Yung sasakyan niya. Sigurado ako. Malakas ang kutob ko.”
Yun din ang kutob ko kanina kaya lang ay duda ako.
“Halika tingnan natin, Jesusa.”
“Ayaw mong uminom?”
“Share na lang tayo sa iniinom mo.”
Iniabot sa akin ang softdrink na kalahati pa ang laman. Uminom ako.
“Ubusin mo na, Per.”
Inubos ko.
Pagkaraan ay tinungo namin ang may bangin na kinahulugan ng sasakyan.
Naiahon na pala ang katawan ng drayber. At eksaktong nakasampa na sa kalsada ang rescuers na may dala ng bangkay. Sa tabi namin dumaan. Nakita namin nang malapitan ang mukha ng drayber. Si Rebo nga! Positive!
Nakahinga ako nang maluwag dahil wala nang gugulo kay Jesusa.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending