Ako ay makasalanan (109)
GULAT na gulat si Aling Annie at Aling Delia nang makita ako. Hindi siguro akalaing babalik ako.
“Anong nangyari Tess?” tanong ni Aling Annie pagkatapos akong halikan.
Ikinuwento ko ang mga nangyari. Patay na aking ama at ina. Galit na galit ang mga kapatid ko.
“Natural lamang na magalit ang mga kapatid mo. Lalo pa’t patay na pala ang mga magulang mo.”
“Ipinagtabuyan ka?” tanong ni Aling Delia.
Tumango ako.
“Mabuti at hindi ka na sumagot sa kanila. Mabuti at tinanggap mo ang iyong kasalanan. Okey na yun. Basta ang ipangako mo ngayon ay huwag ka nang magkakamali. Tandaan mo, huwag nang gagawa ng mali.”
Napaiyak ako.
“Dito ka na lang sa amin, tutal naman at pareho kaming dalaga pa, e di magsama-sama na tayo. Yun nga lang e magtiis ka sa hirap.”
Niyakap ko si Aling Annie at pagkatapos ay si Aling Delia.
“Salamat sa inyong magkapatid. Huwag kayong mag-alala dahil sanay ako sa hirap.”
Mula noon ay naging katulong na ako ni Aling Delia at Aling Annie (tinawag ko na silang Ate sa halip na aling) sa kanilang negosyo. Bukod sa paupahang bahay ay may puwesto pala ng damit sa Baclaran si Ate Delia. Ako ang tumatao sa tindahan kapag busy siya sa kanyang paupahan. Lumakas ang benta ng kanyang damitan. Tuwang-tuwa si Ate Delia.
“Ipagpatuloy mo ang pag-aaral mo, Tess at akong bahala. Pero huwag na sa dati mong school. Dun sa school kong pinagtapusan ka mag-enrol. Mahusay din doon.
Ganoon ang aking ginawa. Tiyaga lang. Lagi kong isinaisip ang mga paalala ng magkapatid na kumupkop sa akin. Huwag na akong magkakamali. At awa ng Diyos, nakatapos ako ng pag-aaral. Nakapagtrabaho ako sa isang kompanya sa Makati. Pero makalipas ang kalahating taon ay nag-aplay ako ng trabaho sa Australia. Natanggap ako.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending