Karugtong ng init (28)
LUMAPIT sa table ko si Rica. Mangilan-ngilan pa lamang ang nasa office. Napansin ko na tila problemado siya. Parang puyat dahil ang mga mata ay tila babagsak.
“Buntis ako, Ross. Dalawang buwan na.”
Patay na! Natigil ang ginagawa ko sa computer. Nilingon siya. Nakatayo sa likuran ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Ang una kong naisip ay si Michelle. Pagkatapos ay ang kapatid kong si Abby. Paano pa ako makakatakas sa ganitong sitwasyon? Lalo nang hindi ako makakaalis gaya ng iniisip kong pagsa-Saudi.
“Mahahalata na ito, Ross.”
“Mamaya tayo mag-usap. Baka me makarinig.”
“Anong oras?”
“Mamayang five paglabas natin.”
“Hindi na ako uuwi sa amin.”
“Basta mamaya tayo mag-usap.”
Umalis si Rica. Itinuloy ko ang ginagawa sa computer. Pero apektado na ako. Hindi ako makapag-isip. Putang-ina! Ano ba itong nangyari? Muli ay naisip ko si Michelle. Tiyak na iiyak si Michelle. Tiyak na isusumpa ako. Tiyak na nasira na ako.
Pasado alas-singko kami lumabas ni Rica. Walang imik na sumakay ng dyipni. Balak ko ihatid sa kanila pero mas mabuting sa isang lugar na makapag-uusap kami. Sa isang restawran kami humantong. Sa sulok kami para walang makarinig.
“Paano Ross? Magsama na tayo. Hindi na ako uuwi sa amin.”
“Teka. Rica huwag kang mataranta.”
“Basta hindi na ako hihiwalay sa’yo. Kahit hindi muna tayo makasal okey lang basta magsama lang tayo.”
Hindi ako makapagpasya. Si Michelle ang naiisip ko ng oras na iyon.
Gabi na nang lumabas kami sa restoran. Sumama na sa akin si Rica pag-uwi sa bahay. Ayaw na akong hiwalayan. Tiyak, malaking gulo ito kapag nalaman ni Abby.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending
















