La Viuda (16)
Ngumisi si Ernesto nang makitang nakasuot ng manipis na pantulog si Kristina. Agad namang binalot ni Kristina ng kumot ang kanyang katawan.
“Anong ginagawa mo rito?” galit na sigaw ni Kristina. Agad nitong kinuha ang kristal na pitsel sa kanyang bedside table at iniambang ihahampas kay Ernesto.
“Galit na galit, gustong manakit?” tatawa-tawang pang-aasar ni Ernesto. “Galit ka ba kasi hindi ako ‘yung inaasahan mong ‘bisita’ ngayong gabi?”
Natigilan si Kristina. Nagtaka siya kung bakit alam ni Ernesto na may hinihintay siyang tao.
“Anong pinagsasasabi mo?”
Itinaas ni Ernesto ang dala nitong maliit na lampara habang inililibot ang paningin sa bawat sulok ng madilim na silid.
“Nasaan siya?” pabulong ngunit nanginginig na usisa ni Ernesto.
“Sino ba ang hinahanap mo?”
“Nasaan si Emilio? Huwag ka nang magsinungaling, Kristina... pinanood ko kayong dalawa noong isang gabi!” sigaw nito habang nakaturo sa bintana na tanaw ang puno ng mangga.
Humakbang pabalik si Kristina, napagtanto niya na tama ang kutob niyang may naninilip sa kanya noong isang gabi. Pinipilit niyang pakalmahin ang boses sa kabila nang matinding kaba. “Nakainom ka na naman ba, Ernesto? Kaya ka pinapatapon sa kung saan-saan dahil wala kang dulot dito sa hacienda kundi gulo!”
Nawala ang ngisi sa mukha ni Ernesto. Tila natamaan ito sa pasaring ni Kristina “Hindi ako tanga!” singhal ni Ernesto, bagamat may bakas nang matinding hinanakit sa kanyang mga mata. Napaluhod ito sa sahig at umiyak “Buhay si Emilio... alam kong buhay siya!”
Nang tuluyan itong napaupo sa sahig, may kumakalansing na mga susi mula sa bulsa nito. Isang mabilis na pagpapasya ang nabuo sa isip ni Kristina. Wala siyang magagawa nang mag-isang nakakulong sa mausuleo gabi-gabi. Ngunit si Ernesto... may susi siya. May susi siya sa bawat pinto ng hacienda.
“Gusto mong malaman ang totoo sa kapatid mo?” tanong ni Kristina habang dahan-dahang lumalapit sa binata. “Magtulungan tayo. Kailangan mo ng tulong ko at kailangan din kita.”
(Itutuloy)
- Latest

















