^

True Confessions

Ang kasalanan ko kay kuya Felipe (Ika-96 labas)

- Ronnie M. Halos -
(Batay sa tunay na kasaysayan ng isang nagpapatawag sa pangalang JIM.Ang iba pang pangalan ay sadyang binago ng awtor.)

"BAKA abutin ka ng ulan dito," sabi ni Ate Tet makaraang sabihin kong magpapaiwan ako sa memorial park. "Ayan at nangingitim ang langit…" dagdag pa.

Hindi ko pinansin. Humakbang ako papalapit sa kinalibingan ni Kuya Felipe. Maliwanag ang mga nakasinding kandila roon. Naghalo ang amoy kandila at halimuyak ng mga bulaklak na naroon.

"Ano ba Jim?" tanong ni Ate Tet na hindi pa rin umaalis. Nangungulit. Pero hindi ko pinatulan. Maaaring may makarinig sapagkat may mangilan-ngilan pang nakipaglibing na namamasyal sa park.

"Tigilan mo na nga yan at umuwi na tayo. Halika na…"

Hindi ko pinansin. Nang magsawa ay umalis din. Marahil ay nag-alalang baka magalit ako sa kakulitan niya.

Nanatili lamang ako sa harap ng libingan ni Kuya Felipe. Ang ihip ng hangin nang mga sandaling iyon ay malamig, kumakagat sa balat. Madilim ang kalangitan. Pakiramdam ko’y babagsak nga ang ulan. Kanina’y nawala na ang ulap pero nakatakip na naman ngayon sa araw.

Ang iniisip ko ng mga sandaling iyon ay ang mga plano kong gagawin sa pag-alis sa poder ni Ate Tet. Kailangan kong iplano ang aking buhay. Kung noon ay nakadepende ako kay Kuya Felipe at maging sa kanya, hindi na ngayon. Kung magpapatuloy akong umaasa, walang mangyayari sa buhay ko. Malulublob lamang ako sa kasalanan kapag hindi bumitaw sa "kamandag" ni Ate Tet.

Pag-alis ko mamayang madaling araw sa bahay, uupa muna ako ng kuwarto at saka maghahanap ng trabaho. Kapag nakakita na ng trabaho saka ako magrerebyu para sa board exam. Kapag nakapasa ako sa board exam, tiyak na madali na akong makakakita ng trabahong malaki ang suweldo. Maaari ko na ring kontakin si David para makaalis ako patungong Riyadh. Pero sa pagkakataong iyon naalala ko si Trish. Kung aalis ako, paano si Trish. Tiyak na masasaktan siya kapag hindi ako nagpaalam sa kanya. Gusto ko, makikipagkita lamang kay Trish kapag may ipagmamalaki na ako. Ayaw ko ring malaman ni Trish ang naranasan kong bangungot kay Ate Tet. Kapag nalaman niya ang pagkakaroon ko ng relasyon sa asawa ni Kuya Felipe, baka iwanan niya ako. Ayaw kong mangyari iyon.

Nang huli kaming mag-usap ni Trish ay noong malapit na ang graduation ko. Ga-graduate din siya pagkaraan ng ilang linggo. Sabi niya sa akin, maghahanap din daw agad siya ng trabaho para matulungan niya ang kapatid na mapag-aral. Kasi nga raw hindi na sila iniintindi ng kanilang ina. Ang kanyang lola ang tumatayong ina. Ang naitatabing pera raw ng kanyang lola ang ipinagpaaral sa kanya. Sabi ni Trish, hindi nga raw niya alam kung dadalo sa graduation niya ang kanyang ina.

Mula noon, hindi na kami nagkita o maski nagkausap sa telepono.

(Itutuloy)

AKO

ATE TET

AYAW

KAPAG

KUYA FELIPE

NANG

NIYA

TRISH

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with