VAT sa Digital Services Law, batas na
MANILA, Philippines — Ganap nang batas ang Republic Act 12023 o ang Value Added Tax on Digital Services Law matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang seremonya sa Malacañang kahapon.
Layunin ng batas na matugunan ang pagkalugi sa mga e-commerce transactions, partikular sa online search engines, online marketplaces, cloud services, online media at advertising, online platforms, digital goods at digital businesses tulad ng netflix, Google at iba pa.
Ang bagong batas ay magpapataw ng 12% VAT sa mga online services na inaasahang makakolekta ng P21.37 Billion sa 2026; P22.81 billion sa 2027; P24.42 billion sa 2028; at P26.27 billion sa 2029.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na hindi sila nagdadagdag ng buwis bagkus ay pinapalakas lamang ang kapangyarihan at proseso ng Bureau of Internal Revenue na mangolekta ng value added tax sa digital services at maging patas na ang pangungulekta ng buwis sa mga lokal na negosyante at international digital platforms.
Panahon na aniya para makapag-ambag sa paglago ng ekonomiya ang mga nakikinabang sa digital economy.
Sinabi ng Pangulo na sa loob ng limang taon ay inaasahang makakakolekta ng P105 billion sa bagong batas, at sapat para makapagpatayo ng 42,000 na silid aralan, mahigit anim na libong rural health units at pitong libong kilometro ng farm to market roads.
Nilinaw naman ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na maliit lamang ang itataas sa bayad sa digital services.
Kaya tiwala si Lumagui na hindi maitataboy ng bagong batas ang mga dayuhang mamumuhunan.
- Latest