OFWs nagkasa ng ‘zero remittance’ week

MANILA, Philippines — Umapela ang Malakanyang sa mga overseas Filipino workers sa Europa na maging mahinahon at huwag magpadala sa emosyon.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa gitna ng mga banta ng mga OFW na zero remittance o hindi magpapadala ng pera mula Marso 28 hanggang Abril 4 bilang pagpapakita ng simpatya sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ni Castro na dapat malaman ng mga OFW na ipinatutupad lamang ng Pilipinas ang batas.
“Mas gugustuhin po natin na maging mahinahon ang bawat Filipino sa ganitong klaseng isyu. Sana po ay malaman din po nila na ang pamahalaan at ang gobyerno ay tumutupad lamang sa ating batas. At may mga Filipino rin naman po na nagreklamo, nag-file ng complaint laban sa dating Pangulong Duterte, sana ay maging patas din po sila sa kanilang pananaw para po maibsan ‘no ang anumang puwedeng kahinatnan ng kanilang gagawin,” pahayag pa ni Castro.
Sakaling hindi naman aniya magpadala ng remittance ang mga OFW sa Europa ay hindi lang ang gobyerno ang maapektuhan kundi maging ang kanilang mga pamilya, kaya dapat maging mahinahon sa ganitong mga klaseng isyu.
Ang reaksyon ni Castro ay kaugnay sa banta ng grupong Maisug Croatia na hindi magpapadala ng pera sa Pilipinas para iprotesta ang pag-aresto kay Duterte.
Matatandaang inaresto ng Interpol si Duterte at ikinulong sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng madugong anti-drug war campaign ng kanyang administrasyon.
- Latest