Tres Queridas (44)
NAKATITIG pa rin si Diana sa liwanag ng screen ng cell phone ni Celeste, nanginginig ang mga labi. Ang larawan ni Carlo na kuha sa CCTV footage ay parang matalim na kutsilyong humiwa sa lahat ng kanyang inaakala.
“Celeste, kung nasa Maynila si Carlo ngayon... bakit kailangan niyang magpanggap na narito siya sa isla?”
Kumunot ang noo ni Celeste, pilit na inuunawa ang ibig sabihin ng kasama habang nanginginig din ang kaniyang sariling mga kamay.
“Naisahan na naman tayo!” mariing sabi ni Diana. “Nang nalaman niyang bumiyahe tayo patungo sa islang ito, ginamit niya ang pagkakataon para gawin ang lahat ng gusto niya sa Maynila.”
“Kailangan na nating bumalik.”
“Sa Maynila? May biyahe pa ba ng barko pabalik sa ganitong oras?”
“Hindi, sa ospital. Sa tingin ko, mali ang desisyon natin na iwanan mag-isa si Lani!”
Parang binuhusan nang malamig na tubig si Celeste. Nanlaki ang kaniyang mga mata habang binabalikan ang sitwasyon: nakaratay si Lani sa Rural Health Unit, may nakakabit na dextrose at bawal gumalaw. Bago pa man makapasok si Jack sa gate ng shipyard, mabilis na ibinaba ni Celeste ang bintana ng kotse at sumigaw.
“Jack! Sumakay ka! Bumalik tayo sa ospital, bilis!”
Nagulat si Jack. Mabilis itong tumakbo pabalik sa sasakyan at pumasok sa upuan ng driver. “Bakit po, Mam Celeste? Nabuksan na po ang gate—”
“Wala si Carlo sa shipyard! Nasa Maynila siya!” mabilis at humahangos na utos ni Celeste. “Bumalik tayo sa ospital ngayon na! Bilisan mo!”
Hindi na nagtanong si Jack. Mabilis niyang pinaandar ang sasakyan at pinaharurot ang kotse pabalik sa bako-bakong kalsada patungo sa bayan. (Itutuloy)
- Latest


















