Tres Queridas (42)
PABALIK sa loob ng sasakyan, nabalot ng panibagong uri ng katahimikan ang biyahe. Nagpasya rin si Celeste na huwag nang umupo sa harap katabi ng nagmamanehong si Jack at tinabihan nito si Diana sa likod.
Mula sa rearview mirror, hindi nakaligtas kay Jack ang pagbabago sa kilos nina Celeste at Diana. Hindi na sila basta nakasandal o nakatingin sa labas ng bintana.
Ang bawat galaw ng kanyang mga kamay sa manibela. Hawak ni Celeste nang mahigpit ang kaniyang cell phone, patagong pinakikiramdaman ang anumang panginginig nito habang naghihintay ng balita mula sa kaniyang ama sa Maynila. Ngunit nanatiling tahimik ang screen.
“Ilang metro na lang, shipyard na.” mahinang basag ni Jack sa katahimikan, pilit na pinapanatili ang propesyonal na tono ng boses.
Tanging maikling tango lang ang isinagot ni Celeste.
Unti-unting napalitan ang semento ng bako-bakong lupang may halong kaluskos ng graba. Habang lumalapit sila sa dalampasigan, mas lumakas ang hampas ng hangin mula sa dagat. Matapos ang ilang minuto, bumungad ang dalawang higanteng gate na gawa sa makapal at kalawanging bakal. Sa gitna nito, naroon pa rin ang malaking letrang V ang opisyal na tatak ng Vergara Shipping.
Itinabi ni Jack ang sasakyan at pinatay ang makina.
Inabot ni Jack ang kaniyang flashlight sa tabi ng seatbelt at lumingon sa dalawa. “Ako muna ang mauunang bumaba. Dito muna kayo sa loob hanggang sa masigurado kong walang tao sa paligid ng gate.”
Nagkatinginan sina Celeste at Diana sa dilim. Naroroon pa rin ang malambing at “knight in shining armor” na aura ni Jack, ang mismong nagparamdam kay Celeste ng kaligtasan noong mga nakaraang araw.
Ngunit ngayon, hindi na niya matukoy kung ang lalaking kasama nila ay ang kanilang tagapagligtas o panibagong bitag na inihanda ng kalaban. (Itutuloy)
- Latest




















