^

Punto Mo

Pagkakaisa dapat ramdam ng nasa laylayan

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Ang ganda pakinggan ng panawagan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na magkaisa ang mga bansa sa ASEAN para sa mapayapa at maunlad na rehiyon. Pero teka muna! Maganda nga sa pandinig, pero nasaan ang resulta? Paano mararamdaman ng ordinaryong tao ang sinasabi nilang kaunlaran kung hanggang ngayon, marami ang kumakayod nang ubos-lakas pero kapos pa rin sa pang-araw-araw na pangangailangan?

Sa pagbubukas ng ika-47 AIPA General Assembly sa Maynila nitong Nobyembre 18, nanawagan si Dy sa mga mambabatas ng Southeast Asia na magkaisa at kumilos para sa kapakanan ng mamamayan. Tama ang punto niya. Pero hindi puwedeng puro talumpati, palakpakan at palitan ng matatamis na salita. Hindi nabubusog ang sikmura sa magagandang pangako!

Sabi ni Dy, mahalaga ang kapayapaan at pagtutulungan ng mga bansa. Walang kokontra riyan. Pero sana, huwag lang kapayapaan sa pagitan ng mga gobyerno ang pag-usapan. Paano naman ang kapayapaan ng mga pamilyang araw-araw binabangungot sa taas-presyo, utang, kawalan ng trabaho at kakulangan sa kita? Hindi ba’t malaking banta rin sa kapayapaan ang gutom at kahirapan?

Binanggit din niya na dapat makinabang sa pag-unlad ang mga magsasaka, manggagawa, maliliit na negosyante at kabataan. Aba, dapat lang! Sila ang nagpapagalaw sa ekonomiya, pero sila rin ang madalas na napag-iiwanan. Ang magsasaka, nagtatanim pero hirap kumita. Ang manggagawa, kayod-marino pero hindi makasabay sa presyo ng bilihin. Ang maliliit na negosyante, pilit buma­bangon habang kinakapos sa puhunan.

Hindi puwedeng mayayaman lang ang yumayaman habang ang mahihirap ay pinagtitiyagaang mabuhay sa tira-tira ng pag-unlad. Kung tunay na para sa lahat ang kaunlaran, dapat may murang pagkain, disenteng sahod, trabaho, maayos na paaralan at serbisyong pangkalusugan.

Maging ang babala ni Dy tungkol sa cybercrime, fake news at maling paggamit ng artificial intelligence ay dapat seryosohin. Huwag hayaang gawing kasangkapan ang teknolohiya sa panloloko at pang-aabuso sa taumbayan.

Tama rin ang sinabi niyang kailangang gawing batas, pondohan at bantayan ang mga napagkasunduan. Dahil hindi sapat ang pirma, litrato at press release. Ang kailangan ng tao ay resulta, hindi palabas!

Ang pagkakaisa ay hindi dapat pangmayayaman, pangmakapangyarihan o pang-entablado lang. Dapat ramdam hanggang pinakamalalim na eskinita, liblib na baryo at pinakamahirap na pamilya.

Ito ang hamon kay Dy at sa lahat ng lider: huwag puro salita, patunayan sa gawa!

Dahil ang tunay na kaunlaran, hindi nasusukat sa ganda ng talumpati kundi sa kung may laman ang tiyan ng mamamayan at may pag-asang mabuhay nang marangal ang bawat pamilyang Pilipino.

ASEAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with