Kampanya vs krimen sa Nueva Ecija, may resulta!
Hindi lang palay ang inaani sa ngayon sa Nueva Ecija. Pati resulta sa kampanya laban sa kriminalidad, tuluy-tuloy lang ang pag-ani ng kapulisan! At hindi basta-bastang numero ang pinag-uusapan dito.
Ang unang inani ay ang umabot sa 459 na baril ang naideposito at naisuko sa ilalim ng Accounting and Disposition of Firearms with Expired Registration (ADFER), isang mahalagang hakbang upang matiyak ang wastong accounting at disposisyon ng mga baril na paso ang rehistro. Pero hindi dapat matapos sa magagandang numero ang usapan.
Dahil para kay Provincial Director Col. Ritchie Claravall at sa buong Nueva Ecija police, tuloy lang ang trabaho! Dahil sa huli, ang mahusay na pamumuno ay nakikita sa gawa, at ang tunay na resulta ay nararamdaman ng mamamayan. Dipugaaaaa! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sa pagtugis naman sa mga wanted person, 168 indibidwal ang naaresto, kabilang ang 21 Most Wanted Persons at 147 Other Wanted Persons.
Hindi rin nagpahuli ang Nueva Ecija police sa kampanya kontra ilegal na droga.
Mula Oktubre 1 hanggang 22, 2026, nakapagsagawa ang kapulisan ng 108 anti-illegal drug operations, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 146 indibidwal at pagkakasamsam ng 137.33 gramo ng shabu at 61.09 gramo ng marijuana, na may kabuuang iniulat na standard drug price na P941,174.80.
Sa madaling salita, may resulta ang trabaho ng mga pulis sa Nueva Ecija. Ang mga accomplishment na ito ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng PNP sa ilalim ng direksyon ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. at ng pamumuno ni Central Luzon director Brig. Gen, Jess Mendez. Sal-it! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
At sa Nueva Ecija, responsibilidad ni Claravall na tiyaking naisasagawa sa bawat police station ang mga direktiba laban sa kriminalidad. Dahil sa huli, ang mahusay na pamumuno ay nakikita sa gawa, at ang tunay na resulta ay nararamdaman ng mamamayan.
Iyan ang diwa ng serbisyong isinusulong ni Mendez para sa Central Luzon serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman! Mga kosa ko sa Nueva Ecija, bumaba na ba ang krimen sa inyo? Abangan!
- Latest















