^

Punto Mo

Tres Queridas (43)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

Tahimik ang loob ng sasakyan habang nakatingin sina Celeste at Diana sa likod ni Jack na dahan-dahang naglalakad, bitbit ang flashlight patungo sa kalawanging gate ng shipyard. Ang tanging naririnig na lang nila ay ang ingay ng hampas ng alon at ang kaluskos ng graba sa ilalim ng mga sapatos ng imbestigador.

Biglang nag-ring ang cell phone na kalong ni Celeste. Napasinghap si Diana sa gulat, habang mabilis naman na pinindot ni Celeste ang phone.

Lumitaw sa screen ang isang hindi rehistradong numero mula sa Maynila. Inakala niyang ang ama niya ang tumatawag para sa hiningi niyang background check kay Jack. Agad niyang sinagot ang tawag at itinapat ang telepono sa taynga, nakatitig sa dilim kung saan naroon si Jack.

“Ma’am Celeste?,” boses ng isang lalaki mula sa kabilang linya. seryoso at halatang nagmamadali.

Kumunot ang noo ni Celeste. Naalala niyang ito si Martin, ang ikalawang private investigator na magiging mata niya sa Maynila.

“Bakit ka napatawag?”

“Ma’am, nakita po namin siya,” pabulong na sabi ng imbestigador mula sa Maynila. “Si Carlo po. nakikita po namin siya ngayon sa CCTV sa kabilang kanto ng condo n’yo rito sa Maynila. nakatambay po siya, mukhang may inaabangan.”

Tila nag-hang na parang lumang computer ang utak ni Celeste. Nanigas ang kanyang kamay sa hawak na phone.

“Sigurado ka ba?” nanginginig at halos walang boses na tanong ni Celeste. “Nasa Maynila siya?”

“Oho, Ma’am. Nagpadala na rin po ako ng malinaw na kuha sa Messenger mo para ka makasiguro. Siya po talaga.”

Mabilis na binuksan ni Celeste ang kanyang Messenger app. Isang mabilis na kuha ng camera sa kalsada ng Maynila, ang pamilyar na mukha ni Carlo, nakatayo sa ilalim ng poste ng ilaw sa tapat ng condo.

Ipinakita ni Celeste ang mga litrato kay Diana. Napatakip ng bibig si Diana, Hindi makapagsalita.

Sa labas ng kotse, marahang kumatok si Jack sa bintana ng sasakyan, habang itinuturo na nakabukas na ang gate ng shipyard.

(Itutuloy)

TRES QUERIDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with