Trahedya ng kasikatan
Ang kasikatan ng isang tao ay tulad din ng ibang bagay sa mundo na kumukupas at nawawalan ng ningning sa paglipas ng panahon. May mga kasikatan na tumatagal lamang nang ilang taon. Ang iba ay umaabot nang maraming dekada. Ngunit walang sinumang makatitiyak na mananatili itong gayon habambuhay.
Kasabay ng pagtanda ng isang tao ang pagtamlay ng kanyang popularidad. Nababawasan ang dating lakas at kakayahan. Ang dating tanyag na personalidad ay maaaring hindi na gaanong hinahanap dahil may mga bagong pangalan nang hinahangaan ang publiko. Nagiging bahagi na lang siya ng alaala at ng kasaysayan.
Bahagi ito ng pagbabago ng panahon. Nagbabago ang panlasa ng mga tao, may mga bagong sumisikat at ang dating nasa rurok ay maaaring mapunta sa likuran. Hindi lamang ito nangyayari sa mga artista, mang-aawit, atleta kundi maging sa mga lider, pulitiko, propesyonal, negosyante at iba pang personalidad na minsang naging tanyag sa kani-kanilang larangan.
Nakakalungkot lamang na ginagamit ng ilan ang salitang “laos” upang kutyain, insultuhin at maliitin ang mga dating sikat. Para bang nawalan na rin ng halaga ang isang tao dahil hindi na siya kasingbantog ng dati. Nakakalimutan nilang hindi nabubura ng paghina ng kasikatan ang talento, husay at mga ambag na naibigay niya noong kasagsagan ng kanyang karera.
May mga taong marunong tumanggap sa ganitong pagbabago. Nagbibigay-daan sila sa mga bagong pangalan at naghahanap ng ibang paraan upang manatiling produktibo.
Ngunit hindi madaling tanggapin ang pagkawala ng dating paghanga, lalo na kung nakasanayan ng isang tao na palaging pinapalakpakan at hinahanap ng publiko. Maaaring ang pinakamahirap ay hindi ang unti-unting pagkawala ng kasikatan kundi ang pagtanggap na hindi na siya ang dating hinahangaan ng lahat.
Gayunman, hindi dapat maging sukatan ng pagkatao ang kasikatan. Maaaring hindi na tanyag ang isang tao ngunit nananatili siyang mahalaga sa kanyang pamilya, mga kaibigan at lipunang kanyang pinaglingkuran. May mga personalidad ding patuloy na inaalala dahil sa kanilang pambihirang talento at mga ambag sa lipunan na hindi kayang burahin ng panahon.
Ang kasikatan ay isang pribilehiyong hindi maaaring angkinin habambuhay. Maaaring magbago ang panahon, humina ang kakayahan at dumating ang mga bagong hahangaan. Ngunit hindi nangangahulugang nawawala na rin ang halaga ng mga nauna.
•••
Email-[email protected]
- Latest



















