‘Walis’ (Part 5)
Mas malakas at mas mabigat ang mga hampas ng walis na natanggap ko mula kay Tiya Clems dahil sa nangyari sa kanyang mamahaling damit na nasira dahil aksidenteng nabuhusan ko ng muriatic acid.
Sa tindi ng hampas ng walis, nagdugo ang aking braso at binti dahil sa matulis na mga tingting. Tumigil lamang si Tiya Clems sa paghampas sa akin nang may tumawag na kapitbahay mula sa labas. Marahil ang tumawag ay ang kapitbahay naming matandang dalaga na laging naririnig ang iyak ko at pagmamakaawa kapag pinapalo ni Tiya Clems.
Sa lakas kasi ng hampas ng walis ay maririnig sa kabilang bahay. Alam ko, nararamdaman ng aming kapitbahay na si Ate Lydia ang nangyayari. At siguro kaya siya tumawag ay para mahinto ang ginagawa sa akin ni Tiya Clems.
Natatandaan ko, nang unang marinig ni Ate Lydia na hinahampas ako ng walis ay may iniabot itong ulam kay Tiya Clems. Pero, suspetsa ko, paraan lang yun para matigil si Tiya Clems sa pagpapahirap sa akin.
Tama ang hula ko sapagkat nang pumasok si Tiya Clems makaraang tumawag si Ate Lydia, mayroon itong dalang ulam na nasa tasa.
“Masuwerte ka at tumawag si Lydia, kung hindi bugbog-sarado kang walanghiya ka!’’ sabi ni Tiya Clems.
Tumigil ako sa pag-iyak. Mahapdi ang mga sugat ko sa braso at binti dahil sa tama ng mga tingting.
(Itutuloy)
- Latest