‘Anting’ (Part 4)
MATAPOS kaming magpahinga ng kinse minutos ay naglakad na uli kami nina Larry at Totoy. Pasado alas onse na ng umaga at mahapdi na sa balat ang init. Mabuti na lamang at maraming malalaking puno sa aming dinaraanan kaya malilim. Napansin namin na pataas nang pataas ang inaakyat namin.
“Noong giyera raw ay dito nagtatago ang mga gerilya—kuwento ni Lolo Pablo kay Tatay,’’ sabi ko.
“E di nagkaroon ng labanan dito?” tanong ni Totoy.
“Oo. Marami raw binagsak na bomba sa bundok na ito. May mga gerilya na naputulan ng kamay dahil sa pagsabog ng bomba.”
“Kaya siguro tinawag na Bundok Putol ito ano?” tanong ni Larry.
“Oo, sabi ni Lolo Amboy. Maraming gerilya ang naputulan ng braso at binti dahil sa pagsabog ng bomba.”
“Ang walanghiya ng mga Hapon ano?’’ sabi ni Totoy.
“Oo nga pero tumutulong naman ngayon nang todo sa Pilipinas,” sabi ko.
“Dapat lang dahil marami silang sinira sa ating bansa,’’ sabi pa ni Totoy.
Maya-maya, nagulat kami sa aming nakita sa dinaraanan—isang malaking puno ng balete.
“Baka ‘yan na ang balete na hinahanap natin!” sabi ko.
“Oo nga,’’ sabi ni Larry.
“Ang laki pala talaga! Baka 15 tao ang yayapos sa laki ng puno!” sabi naman ni Totoy.
“Maghanap na tayo ng anting sa paligid,” sabi ko.
Nagsimula na kaming maghukay sa paligid ng higanteng balete. Mayroon kaming dalang tig-isang shovel. (Itutuloy)
- Latest