PNP, nagbabala vs pagkalunod!
SUMMER vacation na at dahil sa sobrang init ng panahon, kinaugalian na ng mga Pinoy ang magpalamig sa mga beach resorts, swimming pools, sa ilog at recreational spots sa alinmang bahagi ng Pinas.
Kaya nananawagan si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa publiko na maging maingat sa pagplano ng kanilang summer getaway, para maiwasan ang sakuna, lalo na ang pagkalunod.
“Gusto namin na lahat ay mag-enjoy sa summer holiday, subalit mas mahalaga na seryosohin natin ang kaligtasan. Nasa beach man o sa anumang pampublikong lugar, tiyakin natin na nagmamasid tayo sa isa’t isa at sumusunod sa mga safety guidelines,” sabi ni Marbil.
Dahil semestral break na ang maraming kolehiyo at tapos na ang graduation ng elementary, at senior high, marami sa mga ito ang magkukumahog na mag-excursion at mag-relax sa mga beach at iba pang recreational spots kasama ang kani-kanilang magulang at kapamilya. Mismooooo!
Sa talaan ng PNP Directorate for Operations, may 125 insidente ng pagkalunod noong taong 2023, samantalang may 90 na kaso naman sa 2024. Ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ay naitala noong nakaraang taon sa Police Regional Office 4A (PRO4A) na may 25 kaso, PRO1 na may 23, at PRO10 na may siyam na insidente.
Para maiwasang maisali sa listahan ng PNP, binigyang diin ni Marbil ang kahalagahan ng kaligtasan ng bawat isa habang nagpapalamig sa mga beach resorts at recreational spots.
“Lahat tayo gustong mag-enjoy ng bakasyon, pero ang kaligtasan ay dapat laging nauuna. Ang PNP ay narito para tiyakin ang seguridad sa pamamagitan ng mga tourist police na nakatalaga sa mga beach resorts at mga tourist spots, ngunit, hindi natin dapat kalimutan na ang ating personal na kaligtasan ay nakasalalay din sa mga hakbang na ating ginagawa,” sabi pa ni Martbil.
Sa pakikipagtulungan ng LGUs, iba pang law enforcement agencies o stakeholders, inilatag ni Marbil ang PNP Ligtas SUMVAC 2025, upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko maging sa kanilang pagbiyahe papunta sa kanilang patutunguhan.
Inutusan ni Marbil ang mga Police Regional Offices (PROs) na palakasin ang panilang pagpatrulya sa mga lansangan at magbigay ng nararapat na advisories upang maiwasan ang aksidente. Patuloy ding hinihikayat ng PNP ang publiko na maging alerto, maging aware sa kanilang paligid, at mag-ingat habang nag-eenjoy sa mga outdoor activities. Ano pa nga ba?
Ayon pa kay Marbil, kinakailangan ang presensiya ng PNP sa mga high-traffic tourist destinations, particular na sa mga dalampasigan kung saan kadalasan natitipon ang mga bakasyunista.
Subalit, pinaalalahanan pa rin niya ang publiko na maging responsable at isaisip ang kaligtasan, hindi lang sa tubig kundi sa lahat ng mga aktibidad sa bakasyon.
Habang ang mga pamilya ay nagsisimula nang magtungo sa kanilang mga destinasyon para sa bakasyon, patuloy ang PNP sa pagtutok para tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipino. Enjoy lang mga kosa! Abangan!
- Latest