^

Punto Mo

Bakit nga ba bumabaha, bagyo man o habagat?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MAY mga lugar na kahit bumabaha kapag malakas ang ulan, mabilis ang agos ng tubig na parang sasakyang tuluy-tuloy ang andar sa kalsada, papunta sa kanyang destinasyon. Walang humaharang kaya malaya itong umaagos. Bahagyang tumataas ang tubig-baha dahil sa buhos ng ulan, pero dahil walang harang, hindi ito tumatagal. Sa oras na humina o huminto ang ulan, agad din itong humuhupa. Parang walang nangyaring baha. Hindi na kailangang maghintay.

Pero iba ang kuwento sa mga lugar na barado ang daanan ng tubig. Kapag walang madaanan, naii-stranded ang tubig-baha sa isang lugar. Naiipon ito, tumataas habang patuloy ang pag-ulan—gaya ng mga sasakyang biglang huminto dahil may nakaharang sa kalsada. Habang tumatagal, dumadami ang sasakyan, nagsisiksikan, at lumalala ang trapik. Ganoon din ang tubig—kapag hindi makausad, lalong tumataas, bumabaha.

Parang sa katawan ng tao: kapag may nakabara sa lalamunan, hindi makakahinga. Kapag may bara sa ugat, hindi makadaloy ang dugo—maaari pang ikamatay. Ganoon din ang lungsod o barangay kapag barado ang mga daluyan ng tubig: sinasakal ng sariling kapabayaan.

Ideyal sana na tuwing umuulan, mabilis at malaya ang agos ng tubig-baha papunta sa destinasyon nito—ilog o dagat—kahit dumaan pa ito sa estero, kanal, o mga pansamantalang imbakan. Kaya nga sa mga lungsod, may mga imburnal, kanal, at estero na gumaganap bilang daanan ng tubig. Sa mga probinsiya naman, nakakatulong ang natural na kalupaan, damuhan, palayan, at punongkahoy sa pagsipsip ng ulan.

Ngunit sa totoo lang, marami sa ating mga lugar ang lumulubog sa baha taun-taon, hindi lang dahil sa ulan o bagyo kundi dahil wala nang malayang daluyan ang tubig. Sa ilang probinsiya, bumabaha hindi dahil sa baradong kanal kundi dahil sa pagkaubos ng puno sa kabundukan, sementado na ang mga kalsada o bukiring dating bukas na lupa, at wala nang sumisipsip sa tubig-ulan.

Makikita rin sa mga siyudad na halos selyado na ang lupa. Semento dito, aspalto doon. Wala nang nasisipsip ang tubig. May mga kanal na napakakitid, luma na, at hindi kasya sa biglaang buhos ng ulan. Ang mga dating estero ay ginawa nang kalsada o binakuran. Kaya kahit ambon lang, baha agad.

Patuloy ang maraming tao sa pagtatapon ng basura sa kanal at estero. Maaaring sisihin ang gobyerno pero masisisi rin ang mga mamamayang nagtatambak ng basura sa mga daluyan ng tubig.

Tingnan ang ulan sa kabundukan: kahit malakas ang buhos, bihirang bahain ang mga bundok o bukirin dahil malaya ang agos ng tubig. Walang semento, walang pader, at higit sa lahat, may mga punongkahoy at lupa na sumisipsip sa ulan. Kahit saglit na bumaha sa mga paanan, agad din itong umaagos patungo sa sapa, ilog, at dagat. Kapag ang daluyan ay bukas at natural, ang tubig ay hindi nananatili kundi patuloy ang paglalakbay.

Likas na sa mundo ang ulan, pero ang tubig-baha ay isang kalamidad na maaari namang mapigilan o maiwasan ng tao. Siya rin ang pumupuwerhisyo sa kanyang sarili kung magpapabaya at hahayaan na lang na barado at tapunan ng basura ang mga daluyang tulad ng kanal at estero na dapat sanang malayang maagusan ng tubig-baha.

-oooooo-

Email: [email protected]

BUNDOK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with