^

Punto Mo

EDITORYAL — Bantayan ang mga kabataan na nasasangkot sa karahasan

Pang-masa
EDITORYAL — Bantayan ang mga kabataan na nasasangkot sa karahasan

LAGING nagkakaroon ng rambolan ang mga kaba­taan sa dis-oras ng gabi. May nagbabatuhan ng bote, bato at may naghahabulan ng saksak. Nangyayari ito hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa probin­siya. Kaunting problema ay agad nagkakagulo at nag­ra­rambulan—at may mga namamatay.

Nakababahala na ang mga nasasangkot sa kaguluhan ay edad 13, 14 at 15. Napakabata nila para masangkot sa kaguluhan na ang kinahahantungan ay pagkasira ng kinabukasan.

Sa mga eskuwelahan ay nangyayari rin ang mga rambolan ng kabataang estudyante. At ang nakalulungkot, may mga namamatay dahil sa saksak. Kagaya nang nang­yari noong Biyernes sa Las Piñas City kung saan dalawang estudyante ang napatay ng kapwa estudyante.

Ang mga napatay ay magpinsang Grade 8 students ng Captain Albert Aguilar High School sa Bgy. CAA, Las Piñas City makaraang pagsasaksakin ng tatlong kaklase noong Biyernes.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang magpinsan nang hara­ngin at kuyugin at pagsasaksa­kin ng tatlong estudyante na mabilis na tumakas pagkatapos ng krimen. Ang mga suspect ay Grade 7, 9  at 10. Dinala sa ospital ang dala­wang biktima pero dead-on-arrival na ang mga ito. Ayon kay Las Piñas City Police chief, Col. Sandro Jay Tafalla, simpleng alitan lamang sa comfort room ang dahilan ng pana­naksak. Pinatay-sindi umano ng mga biktima ang ilaw sa comfort room na ikinagalit ng isa sa mga suspect. Ina­bangan sa pag-uwi ang dalawa at pinagsasaksak. Isinuko ng mga magulang sa pulisya ang kanilang mga anak na ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan.

Noong nakaraang buwan, dalawang estudyante sa Rizal High School ang sinaksak ng kanilang kaklase maka­raang magrambolan. Ayon sa pulisya, ang dalawang grupo ay unang nagrambolan sa school compound pero ipinag­patuloy sa labas ang rambolan hanggang magsaksakan.

Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayaring karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan na ang resulta ay pag-utang sa buhay. Nakagigimbal na malaman na ang mga kabataang sangkot ay may dalang patalim at naipapasok sa school. Paano nakalusot sa mga guwardiya ang dalang patalim? Paano kung baril ang naipasok sa school?

Ang pag-aksiyon ng pamunuan ng mga eskuwelahan sa nagaganap na rambolan ng kabataan ay nararapat­ pag-ukulan ng pansin. Gumawa ng paraan kung paano ito maiiwasan. Nararapat din namang maging mapagmatyag ang mga magulang sa ikinikilos ng kanilang mga anak. Laging tanungin ang anak ukol sa mga akti­bidad nito sa school. Mahalaga ang komunikasyon ng magulang sa anak.

HARASSMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with