‘Pala’ (Part 2)
TAHIMIK akong naglalakad sa kalsada pauwi sa aming bahay sa bukid nang mayroon akong mapansin sa madamong gilid. Nakaumbok na bagay. Nagdalawang isip ako kung lalapitan ang bagay. Nasa isip ko na baka niyog lamang ang nakaumbok sa damuhan.
Hanggang magpasya akong lapitan ang bagay. Tinisod-tisod ko. Matigas. Parang nakalubog sa lupa.
Ibinaba ko ang aking sakbat na bag na may lamang libro at kuwaderno. Pagkatapos ay hinawakan ko ang nakaumbok na bagay. Sinubukan kong hilahin. Matigas. Mahirap.
Pero dahil nagkaroon ako ng pagnanasa na makita kung ano ang misteryosong bagay, pinagtiyagaan kong uga-ugain iyon. Itinulak-tulak ko at kinakabig pabalik para lumuwag ang pagkakabaon.
Hanggang sa gumaan nang gumaan ang nakabaon na bagay. Lumuwag ang pagkakakapit sa lupa.
Ipinasya kong hilahin pataas.
Ubos lakas!
Nabunot ko. At ganun na lamang ang aking pagkagulat nang makita ang bagay—isang lumang pala! Kalawangin. Putol na ang hawakang kahoy.
Pawisang-pawisan ako.
Habang pinagmamasdan ko ang kalawanging pala, itinatanong ko sa sarili kung dapat ko pa itong dalhin pauwi.
Ano ang silbi ng pala na putol ang hawakan?
Pero nagpasya ako.
Binitbit ko ang pala.
Bahala na. (Itutuloy)
- Latest