EDITORYAL – Kuwestiyunableng flood control projects
NAPAKALAKI ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects. Ngayong 2024, P255 billion ang nakalaan. Sa laki ng pondo, nakapagtatakang bigo ang DPWH na solusyunan ang baha. Anong nangyayari sa DPWH na nangunguna sa mga tanggapan ng pamahalaan na may pinakamalaking budget?
Bigo ang DPWH na magampanan ang tungkulin para magamit nang maayos ang pondo sa flood control projects. Saan napupunta ang pondo at maraming napapabayaan?
Nang humagupit ang Bagyong Kristine at lumubog sa baha ang maraming lugar sa bansa noong Huwebes at nag-iwan ng 116 patay, maitatanong kung anong nangyari sa flood control program ng pamahalaan.
Grabe ang pagbaha sa Bicol Region na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa humuhupa. Sa Naga ay mistulang water world. Maraming bahay ang inanod sa maraming lugar sa Albay. Nag-akyatan sa bubong ng bahay ang mga residente para makaligtas sa nagngangalit na baha. Dalawampu’t siyam ang itinalang namatay sa Bicol Region dahil sa pagkalunod.
Grabe rin ang pagbaha sa Quezon province na ang mga tao ay kinailangang umakyat sa bubong at doon ni-rescue. Sa Lemery, at Sto. Tomas, Batangas, lampas tao ang taas ng baha. Sa Calamba, Bay at Calauan, Laguna ay nagmistulang dagat ang mga nasabing bayan.
Mataas din ang baha sa Bacoor, Cavite; Las Piñas, Cainta, at Antipolo, Rizal; Quezon City, Maynila at Valenzuela. Bumaha rin sa maraming bayan sa Bulacan, Pampanga at sa mga probinsiya sa Northern Luzon dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Malaki ang pondo ng DPWH para sa flood control subalit walang kinatutunguhan. May nagagawa bang paraan ang DPWH para sa problemang baha? Nagagampanan ba ang tungkulin? Matagal nang problema ang baha lalo sa Metro Manila pero hanggang ngayon, wala pa ring solusyon.
Ang malawakang pagbaha dahil sa Bagyong Kristine ay nagmulat sa mata ng Senado para magkaroon ng pag-iimbestiga sa flood control projects ng pamahalaan. Sabi ni Senate President Escudero, tatanungin ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kung ano ang nangyari sa multi-bilyong pondo para sa flood control projects.
Dapat noon pa nagsagawa ng inquiry ang Senado ukol sa pondo para sa flood control. Dapat noon pa kinastigo ang DPWH sa kawalang solusyon sa baha!
- Latest