EDITORYAL - POGO hubs, bilang evacuation centers
NOON pa mayroon nang nagpanukala na gawing eskuwelahan ang mga sinalakay na Philippine Offshore and Gaming Operator (POGO) hubs. Pero ngayong kapos sa evacuation centers ang bansa dahil sa dami ng mga biktima ng bagyo, maraming nagsuhestiyon na gawing evacuation centers ang POGO hubs. Lubhang kailangan ang masisilungan ng mga kawawang evacuees.
Nasa 20 bagyo ang tumatama sa bansa taun-taon. Maraming bahay ang nawawasak at may mga tinatangay ng baha. Maraming bahay na nasa paanan ng bundok ang nababaon dahil sa pagguho ng lupa na may kasamang bato.
Bukod sa pananalasa ng mga bagyo, pumuputok din ang mga bulkan kaya kailangang lumikas ang mga tao. Forced evacuations ang isinasagawa upang walang mamatay.
Kapag bumaha, kailangang ilikas din ang mga tao. Hindi lamang ang mga nakatira sa tabing dagat at ilog ang ini-evacuate kundi pati na rin ang mga nasa mabababang lugar na karaniwang binabagsakan ng tubig. Maraming lugar ngayon na hindi binabaha noon ang nagmimistulang dagat at ang mga tao ay nag-aakyatan sa bubong ng kanilang bahay para hindi malunod.
Ang malaking problema ngayon ay ang pagdadalhan sa mga tao na apektado ng kalamidad partikular na ang bagyo. Ngayong Nobyembre, nagkapatung-patong ang mga bagyo. Hindi pa nakakalabas ang isa, mayroon na agad kasunod at iisa ang landas na dinaanan. Ilang beses nang binayo ang Bicol Region at Northern Luzon at maraming tao ang ini-evacuate sa mga eskuwelahan at gymnasium. Nagsiksikan sila sa mga eskuwelahan na parang sardinas. Kawawa ang mga bata at matatanda.
Tuwing mananalasa ang bagyo, problema ang pagdadalhan sa mga apektadong tao. Hanggang ngayon, walang desenteng evacuation centers. Laging sa public schools humahantong kaya apektado rin ang pag-aaral ng mga estudyante. Kung gaano katagal ang pananalasa ng bagyo, ganundin katagal ang pananatili ng evacuees sa mga eskuwelahan.
Marami nang POGO hubs ang sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at bakit daw hindi ito ang gawing evacuation centers. Mainam na evacuation centers ang POGO hubs sapagkat malaki at konkreto. Hindi magsisiksikan ang mga tao at maiiwasang magkahawahan ng sakit.
Kaysa nakatiwangwang lang ang POGO hubs, pakinabangan na ito ng mamamayan. Dito sila patirahin habang may kalamidad.
- Latest