Mayang (49)
NANG tumayo si Puri ay nakikiramdam si Jeff. Kunwari ay lasing siya at nakatulog sa sopa.
Dinampot ni Puri ang cell phone at nagdayal ng number.
Nakontak ang tinatawag. Nasa di kalayuan ito pero dinig na dinig ni Jeff ang pakikipag-usap. Nasasagap niya ang boses ng kausap sa kabilang linya.
“Hello Henry, payag na si Jeff na ibigay sa akin ang kanyang pera!’’
“E di magaling!’’ sagot ni Henry.
“Pero may kondisyon.’’
“Anong kondisyon?’’
“Sabihin ko raw kung saan makikita si Mayang—yung girlfriend niya.”
“Akala ko na nakumbinsi mo na ang kumag na yan na huwag nang hanapin ang babae, bakit hinahanap pa rin. ‘Kala ko, na-brain washed mo na!’’
“Gusto lang daw niyang malaman kung nasaan si Mayang.”
“Putsa naman! Paano yan? E di ba hindi mo naman talaga alam kung nasaan ang Mayang na yun. Di ba nagkukunwari ka lang na kaibigan mo pa ang babae pero sa totoo lang ay hindi na?’’
“Oo nga! Hindi ko naman talaga alam kung nasaang lupalop ang Mayang na yun!’’
“Paano yan? Anong gagawin mo?’’
“Mag-iisip ako ng paraan.’’
“Kailangang makuha mo na ang pera ng kumag na ‘yan bago pa makahalata.”
“Oo Henry. Gagawin ko ang lahat.’’
“Nasaan si Kumag?”
“Tulog na tulog!’’
“Paggising, pilitin mong ibigay sa’yo ang ATM. Huwag mo nang pakawalan. Sumama ka hanggang sa tirahan niya!”
“Oo Henry.’’
“Pag nasimot mo na ang pera ni Kumag, hapi-hapi na tayo!’’
Lingid kina Puri at Henry, narinig lahat ni Jeff ang pinag-usapan nila. Malinaw na malinaw kay Jeff ang plano ng dalawa. Makikipaglaro siya sa mga ito! (Itutuloy)
- Latest