Biniling breath analyzers, nasayang lang!
Isa ang drunk driving sa pangunahing dahilan sa nagaganap na mga aksidente sa lansangan.
Kaya nga malaking bagay ang breath analyzers para makatulong sa mga enforcers para matiyak na nakainom o nasa impluwensiya ng alak ang isang driver o motorista na nasangkot sa mga aksidente.
Ginastusan ito ng pamahalaan pero mukhang naimbak lamang at hindi pinakinabangan.
Ito ang nabatid makaraang ipag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II ang pagbusisi sa 756 units ng breath analyzers na binili noong 2015 at 2017 na ginastusan ng gobyerno pero hindi nagamit.
Sa isinagawang imbentaryo ng LTO ay natuklasang na nasa 288 lang sa 756 units ang maaaring ayusin at i-recalibrate.
Lumilitaw na ang unang batch ng 150 units noong 2015 ay binili sa halagang P8,000 kada piraso, habang ang pangalawang batch na higit sa 600 units ay binili sa halagang P38,000 bawat isa.
Isinasagawa pa ang pagsusuri para malaman kung magiging mas praktikal ang pagbili ng mga bagong breath analyzer kaysa ayusin at i-recalibrate pa ang mga ito.
Ginagamit ang breath analyzers sa mga driver na nasasangkot sa aksidente upang malaman kung ang mga ito nasa impluwensiya ng alak.
Kung laging ganito ang mangyayari sa mga ginagastusang proyekto, aba eh nagsasayang lang talaga ng pondo.
Parang ganu’n na lang at nagkakalimutan na, ni hindi nga alam kung ang binili ng mga ito ay dumaan sa tamang proseso o bidding.
Tiniyak naman ni Mendoza, kung bibili ang LTO ng mga bagong breath analyzers, magiging transparent ang procurement process nito.
Higit sana sa lahat ay magamit at napakinabangan na ang mga ito.
- Latest