^

Punto Mo

Pilipinas, matulad sana sa Taiwan na handa sa Big One

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NAPABALITA ang naging kahandaan ng Taiwan sa tumamang malakas na lindol noong Miyerkules. Siyam ang patay at mahigit 1,000 ang sugatan sa magnitude 7.4 na lindol. Napakaliit kumpara sa 2,400 na namatay sa magnitude 7.7 na lindol na yumanig dito noong 1999. Gumawa ng mga kaukulang hakbang ang Taiwan  sa nagdaang 25 taon para maging handa sa mga susunod na malalakas na lindol. Halos madalas ding makadama ng mga pagyanig ang mga residente kaya nasasanay sila sa paghahanda.

Sinasabi ng mga eksperto na gumamit ang Taiwan ng isang matatag na early-warning system at mga makabagong seismic building codes at pinaunlad ang kanilang mga impraspraktura mula nang maganap ang lindol noong 1999.

“Dalawang libo at apatnaraang tao ang namatay noong 1999. Ngayon, siyam ang namatay. Nakita mo ang progreso,” sabi sa NBC News ni Larry Syu-Heng Lai, isang geologist at postdoctoral researcher sa University of Washington na lumaki at nag-aral sa Taiwan. “Mas matitibay na ang mga gusali namin at mas mahusay na ang mga pasilidad. Sineryoso namin ito.”

Lumalabas din batay sa mga litrato at report mula sa Taiwan na karamihan ng mga napinsala ay nasa mga mas lumang konkretong gusali na may taas na lima hanggang 10 palapag at merong open commercial space ang unang palapag. Marami ang nasa kanto ng kalsada.

Hindi natinag ang mga bagong matataas na gusali kabilang ang pinakamataas na tower sa Taiwan, ang Taipei 101 na merong 66- metric ton steel ball sa mas matataas na palapag. Na­ging sopistikado rin ang kanilang early-warning system na umaasa sa mga sanga-sanga ng mga seismic instrument sa buong isla ng Taiwan. Kapag may nagaganap na malaking lindol ang system ay nagpapadala ng mga mensahe sa mga cell phone ng taumbayan at awtomatikong pinuputol ang mga programa sa telebisyon para mabalaan ang mga residente.

“Isa sa mga mas makabago ang kahandaan ng Taiwan sa lindol,” sabi sa AP/ Taiwan News  ni Stephen Gao, seismologist at professor ng Missouri University of Science and Technology.  Madalas rebisahin ng Taiwan ang mga quake resistance standards ng mga bago at nakatayong gusali at nagbibigay ng subsidy sa mga residenteng nagboboluntaryong suriin ang kanilang mga gusali. Maraming ginagawang earthquake drill sa mga eskuwelahan at lugar ng mga trabaho kasabay ng pagtitiyak na regular na nakakatanggap ng safety measures at quake alert ang publiko.

Noong Hulyo 16, 1990, umaabot sa 1,621 tao ang namatay sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Pilipinas.  May mga pagkilos naman ang pamahalaan at ibang mga kinauukulan para mapaghandaan ang susunod na mga lindol lalo na ang sinasabing Big One o mga lindol na mas malakas pa sa magnitude 7 na pipinsala sa maraming buhay at ari-arian. Marami nang mga lindol, malalakas o mahihina, ang nagpayanig sa bansa sa nagdaang mga dekada o siglo at isa lamang sa mga ito ang naganap noong 1990. Maaaring iba ang sitwasyon sa Taiwan pero, sana nga, natututo sa karanasan at higit na ring nagiging handa ang Pilipinas sa susunod na kalamidad.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

EARTHQUAKE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with