^

Punto Mo

Ang tahimik na kapitbahay

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

MAY kasabihan ang matatanda sa isang probinsiya na mabuti pang magkaroon ng kapitbahay na aswang, huwag lang magnanakaw. Ang mga aswang ay dumadayo sa malayong lugar para humanap ng biktima. Hindi nila ginagalaw ang mga kapitbahay at kabarangay hindi dahil sila ay mabait kundi ayaw nilang mabisto ang kanilang pagiging aswang. Samantalang ang mga magnanakaw, inuuna nilang pagnakawan ang kapitbahay dahil alam nila kung mapera ang kapitbahay nila o hindi at bistado nila kung may mamahaling gamit ang mga ito. Tapos alam pa rin nila kung kailan umaalis ang kapitbahay at naiiwang walang tao sa bahay.

May kapitbahay si Elena na mag-asawang kasing edad niya sa kanyang tantiya na nasa late 40’s. Tahimik lang ang mga ito at bihirang makipag-usap sa mga kapitbahay. Walang anak ang mga ito at sa minsanang pagkukuwentuhan nila  ng babae na bihirang mangyari ay nagtatrabaho ang mga ito sa pagawaan ng tsinelas sa katabing bayan. Hindi na lang binanggit kung ano ang trabaho roon dahil winawakasan kaagad ng babae ang kuwentuhan sa pamamagitan ng pagdadahilan na siya ay may niluluto sa loob ng bahay.

Isang gabing naghihintay si Elena sa pagdating ng asawang umatend ng piyestahan, may natanaw siya mula sa pagkakadungaw sa bintana na lumilipad na parang dalawang malalaking ibon sa tapat ng bubong ng bahay ng kanilang tahimik na kapitbahay.

Samantala, mag-uumaga nang dumating ang asawa ni Elena dahil nagkagulo raw sa ­piyestahang pinanggalingan ng asawa. May nag-iinumang mga kalalakihan na nauwi sa saksakan dahil nagkapikunan.

Habang nakabulagta ang patay na nasaksak at naghihintay na pik-apin ito ng punerarya, may isang manananggal na lumitaw mula sa kung saan at ubod nang bilis na tinangay ito saka lumipad. Pero may isang taong nakakuha kaagad ng itak at inihagis ito paitaas na sumapul sa ulo o leeg ng manananggal. Sumigaw ito sa sakit kaya’t nabitawan niya ang bangkay na bumagsak sa harapan ng mga usisero.

“Tiyak ko, kung hindi man napatay ang manananggal, may malaki iyong sugat sa ulo o sa leeg” kuwento ng mister ni Elena.

Habang nagluluto ng agahan si Elena, natanawan niyang dumating ang mag-asawang kapitbahay. Nakaakbay ang lalaki sa asawa nito na tila nanghihina. May nakapulupot na puting tela sa leeg nito na tila may bahid ng dugo.

vuukle comment

NEIGHBOR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with