EDITORYAL - ‘Pastillas 2’
NANGANGAMOY ‘‘pastillas’’ na naman sa Bureau of Immigration makaraang ibulgar ng isang Pinay overseas worker na nagbayad ang kanyang recruiter ng P50,000 sa mga tauhan ng BI para makapagtrabaho sa abroad. Pero sa halip na sa United Arab Emirates siya makapagtrabaho, sa Damascus, Syria siya humantong na kasalukuyang mayroong nagaganap na civil war. May sumalubong umano sa kanilang tauhan ng recruitment agency at ikinulong sila. Hanggang may Syrian na bumili sa kanya sa halagang US$1,000. Kamag-anak umano ng pangulo ng Syria ang kanyang naging amo. Limang buwan daw siyang nakaranas ng pananakit sa amo at kalahati lang daw ng pangakong $400 na buwanang sahod ang kanyang natatanggap. Kapag daw nagpaalam siya para umuwi sa Pilipinas, nagagalit at sinasaktan siya ng among babae. Bukod sa pananakit ng amo, tinatadyakan, sinasampal, sinasabunutan at kinakaladlad siya ng bodyguard ng amo.
Ang nangyari sa Pinay OFW ay inilahad sa video testimony sa ginawang pagdinig ng Senado noong Martes. Si Sen. Risa Hontiveros ang nagpakita ng video testimony. Itinago ni Hontiveros ang OFW sa pangalang “Alice”. Ayon kay Hontiveros, mistulang pang-aalipin ang sinapit ni Alice na nagtatrabaho ng alas diyes ng umaga hanggang alas tres ng madaling araw. “Hindi ito employment, ito ay slavery. One thousand US dollars, so kung may P50,000 na ibinayad sa ating sariling BI, may US$1,000 dollars, katumbas ng P50,000 pesos ulit na binayad ng amo para ibili sila na parang alipin,” sabi ni Hontiveros. Bukod kay Alice, mayroon pang dalawang OFW na nagtestimonya na ipakikita ng senadora sa susunod na pagdinig ng Senado.
Mistulang “Pastillas 2” ang trafficking ng mga Pinay sa Syria. Sa “Pastillas 1” umabot sa P40 bilyon ang naibubulsa ng mga korap sa Immigration dahil sa visa-upon-arrival (VUA) policy na ipinatutupad sa mga dayuhang pumapasok sa bansa mula 2017. Sa ‘‘pastillas’’ scheme na nabulgar dahil din kay Hontiveros, lahat nang Chinese nationals na hindi nag-avail ng visa upon arrival (VUA) system ay magbabayad ng P10,000 sa immigration para makapasok nang walang aberya sa bansa. Tinawag na “pastillas” ang modus ng mga corrupt na BI officials dahil ang perang ipinangsusuhol sa kanila ay binibilot na hawig sa matamis na “pastillas.
Ngayong nangangamoy naman ang “Pastillas 2”, tiyak na marami na namang sangkot. Sana mahalukay ito nang todo para maparusahan ang mga sangkot. Kailangang malambat ang mga sangkot sa trafficking ng OFWs.
- Latest