Attorney
NOONG araw na hindi pa naiimbento ang radio at telebisyon, ang libangan ng mga tao sa probinsiya pagkatapos ng maghapong gawain ay tumambay sa barberya. Iyon din kasi ang oras na wala nang nagpapagupit at nagpapahinga na ang mga barbero. Si Attorney ang madalas i-challenge sa umpukan. Hindi siya abogado pero nakatuwaan nang tawaging Attorney dahil magaling mangatwiran at mahusay lumusot sa mga katanungang hindi niya mabigyan ng direktang kasagutan.
Minsan may nagtanong kay Attorney habang nagpapalipas ng oras sa tapat ng barberya. “Saan ang sentro ng mundo?”, tanong ng first challenger.
“Dito sa mismong tinatapakan ko?”
“Paano mo mapapatunayan?”
“Kung ayaw mong maniwala, sukatin mo ang mundo”.
“Ilan ang mga bituin sa langit? ”, tanong ng 2nd challenger
“Kasing dami ng buhok sa katawan ng aking kabayo.”
“Kalokohan! Paano ko bibilangin ang buhok ng kabayong iyan, imposible!”, naiinis na sabi ng 2nd challenger
“Para mo na rin inamin na imposibleng bilangin ang bituin sa langit”
Sumingit ang 3rd challenger na may mahaba at makapal na balbas, “O, sige, para hindi ka mahirapan, sabihin mo kung ilan ang hibla ng buhok sa buntot ng iyong kabayo.”
“Eksaktong kasindami ng buhok diyan sa baba mo.”
“Patunayan mo, he-he-he” mayabang na sagot ni 3rd challenger
“Sabay tayong magbibilang. Isa-isa nating bubunutin ang balbas mo at buhok ng kabayo. Halinhinan ang pagbunot, ikaw sa buntot ng kabayo at ako sa balbas mo.”
Sagot ni 3rd challenger, “Ungas! Isang taon kong pinahaba ang balbas na ire, tapos bubunutin mo lang? Kahit hindi ko mapatunayan na magsindami ang balbas ko at buhok sa buntot, wala na akong pakialam.” Sabay talikod kay Attorney at nilayasan ang grupo. Ngingisi-ngisi lang si Attorney. Kagaya ng dati, siya na naman ang panalo sa debate.
It’s kind of fun to answer the impossible question. — Walt Disney
- Latest