Asong nakawala mula sa amo, sumali sa marathon at naka-7th place finish pa
ISANG asong nakawala mula sa tahanan nito sa Alabama ang napasali sa isang marathon na isinasagawa sa lugar. Gulat na lang ang amo nito nang malaman niyang hindi lang natapos ng kanyang alaga ang marathon kundi nagawa pa nitong maka-7th place finish sa karera.
Dalawang taong gulang ang bloodhound na si Ludivine at pinakawalan ito ng kanyang amo na si April Hamlin. Nagkataon namang isinasagawa noon ang Trackless Train Trek Half Marathon sa isang kalapit na lugar at nagawi doon ang pagala-galang si Ludivane.
Dahil mahilig magtatakbo ay napasali si Ludivine sa nasabing marathon. Natapos ng aso ang 21-kilometrong karera sa loob lamang ng isa’t kalahating oras.
Pampito si Ludivine sa mga nakatapos ng isinagawang marathon kaya naman sinabitan siya ng mga organizers ng isang medalya bilang patunay ng kanyang paglahok at pagtapos sa kompetisyon.
Wala namang kaalam-alam ang amo ni Ludivine sa naging pakikipagsapalaran ng kanyang alaga. Nalaman na lang niya ang nangyari nang ipinakita sa kanya ng kanyang mga kaibigan ang mga larawan ni Ludivine na tinatawid ang finish line.
Ipinagmamalaki si Ludivine ng kanyang amo dahil hindi raw ito trained sa mga kompetisyon at ang tanging kontribusyon lang niya sa tagumpay ng kanyang aso ay ang pagbubukas ng pinto ng kanilang tahanan na dahilan upang makawala ang kanyang alaga.
Taun-taon isinasagawa ang marathon sa lugar ngunit sa susunod na taon ay tatawagin na itong ‘Hound Dog Half’ ng mga organizers dahil kay Ludivine na nagpasikat sa kanilang marathon.
- Latest